Sekyu, arestado sa 'panghahalay' sa kapwa sekyu

ABS-CBN News

Posted at Nov 14 2017 06:35 PM

Arestado ang isang guwardiyang inireklamo ng umano'y panghahalay sa kasamahan niyang guwardiya.

Ayon sa Quezon City Police District (QCPD), nahuli ang 27 anyos na suspek na si Andrew Ticala nitong Lunes, Nobyembre 13 sa Barangay Socorro, Cubao, Quezon City.

Sa pahayag ng QCPD, dawit si Ticala sa panghahalay sa kaniyang kasamahang lalaking guwardiya.

Natutulog daw noon ang biktima nang magulat dahil may bigla siyang nararamdamang humahalay umano sa kaniyang likuran.

Pinuwersa umano ng suspek ang kaniyang sarili sa biktima.

Bukod kay Ticala, ilan pang suspek sa iba pang krimen ang inaresto ng QCPD sa magdamag ng Nobyembre 12-13.

Kabilang sa mga naaresto ang 32 anyos na si Bensar Iridjil na idinadawit sa panghoholdap sa isang UV Express sa Mindanao Avenue, Barangay Tandang Sora.

Nahuli rin ang 18 anyos na si Rayner Martines at kasama niyang dalawang menor de edad na 17 anyos at 15 anyos na may dala umanong marijuana.

Unang nasita ang tatlo dahil nakasakay sila sa iisang motorsiklo at wala ring suot na helmet.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.