Proteksiyon para sa migranteng manggagawa, gagawin ba ng buong ASEAN?

ABS-CBN News

Posted at Nov 14 2017 11:37 PM

Minsan nang naging biktima ng pang-aabuso ang 30 taon nang overseas Filipino worker (OFW) na si Pastor Olidan.

Naranasan na niyang magtrabaho nang sobra sa oras, hindi pinasasahod, at minamaliit umano ng ibang lahi.

"Tayo naman kasi no'ng una, takot din tayo ma-deport o takot din tayong mawalan ng trabaho kaya sinusunod na lang muna natin sila [dayuhang employer]," kuwento ni Olidan.

Pero inaasahang magbabago na rin ang pagtrato sa mga OFW sa Southeast Asia matapos mapirmahan sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit ang Consensus on the Protection and Promotion of the Rights of Migrant Workers.

Layunin ng kasunduang protektahan ang karapatang pantao ng mga migranteng manggagawa kabilang na ang mahigit 200,000 OFW na nagtatrabaho sa mga bansa sa Timog Silangang Asya, katulad ng Singapore at Malaysia kung saan pinakamarami ang Pinoy workers.

"Hindi na puwedeng itago ang passports ng migrant workers. Minsan, para hindi lumipat sa ibang employer ang domestic worker, kinukuha ng employer 'yong kanilang passport. Dito may consensus, hindi na dapat i-tolerate 'yon," ani Susan Ople, pinuno ng Blas F. Ople Policy Center and Training Institute. 

Inihalimbawa ni Ople ang kaso ni Flor Contemplacion noong 1995. 

Naging malaking isyu noon ang hindi pantay na karapatang ibinigay ng Singapore sa Pinay domestic worker.

"Sa agreement na ito, kung ano 'yong legal rights ng nationals ng isang ASEAN member state, 'yon din dapat ang legal rights at human rights ng foreign workers," ani Ople. 

Dapat umayon sa batas ng ASEAN member-states

Ayon naman kay Labor Secretary Silvestre Bello III, dapat dito pa lang sa Pilipinas, mabigyan na ng proteksiyon ang paalis na OFW.

"Kapag hindi nabayaran 'yong suweldo ng ating migrant workers we can go against the agency, kaya nga we have the agencies para mayroon tayong hahabulin," ani Bello.

Itinatakda rin ng kasunduan ang iba pang probisyon para matiyak ang kapakanan ng migranteng manggagawa:

ASEAN Consensus on the Protection and Promotion of the Rights of Migrant Workers

  • Fair treatment of migrant workers with respect to gender and nationality; 
  • Visitation rights by family members; 
  • Prohibition of confiscation of passports; 
  • Protection against overcharging of placement or recruitment fees; 
  • Protection against violence and sexual harassment in the workplace; 
  • Regulation of recruiters for better protection of workers; 
  • Right to fair and appropriate remuneration and benefits; 
  • Right to join trade unions and associations. 

Source: Department of Foreign Affairs

Pero ayon sa Migrante International, kahit na pinirmahan ito ng 10 bansang kasapi ng ASEAN, hindi malinaw kung ito ba ay seryosong susundin ng mga bansa dahil nakadepende pa rin kung ito'y naaayon sa kanilang mga sariling umiiral na batas.

Saad ng pahayag ng Migrante International: "If the implementation is optional for member states, migrant workers will not be able to maximize its benefits wherever they may work or migrate, however strong the principles and provisions may be." 

Hindi rin kasama sa kasunduan ang kapakanan ng mga hindi dokumentadong migranteng manggagawa, partikular ang mga kababayang inabuso at tumakas sa kanilang mga amo kaya naging "undocumented."

"Undocumented migrant workers are not necessarily only those who entered a destination country illegally. They may include those who lose status when their work permits were not renewed, they leave their employer due to abusive and exploitative conditions," ayon sa bahagi ng pahayag ng Migrante International.

Pero ayon kay Ople, kulang man ang naging kasunduan, magandang simula pa rin ito para sa kapakanan ng mga itinuturing na bagong bayani ng bayan.

PH-NZ direct flights

Nilagdaan naman ng Philippine Airlines (PAL) at Ministry of Tourism ng New Zealand ang isang memorandum of understanding para mapaunlad ang turismo ng Pilipinas at New Zealand.

Kasunod nito, magkakaroon na ng direktang flights ang PAL mula Pilipinas papuntang New Zealand, at pabalik.

Sisimilan ng PAL ang ganitong biyahe sa Disyembre.

Mapabibilis daw nito ang karaniwang mahigit 10 oras na biyahe papuntang New Zealand, dahil dumadaan pa sa Australia ang flights.

Sa datos na inilabas mula sa kasunduan, mahigit 23,000 Pinoy ang bumibiyahe patungong New Zealand kada taon, habang halos 30,000 taga-New Zealand naman ang bumibisita sa Pilipinas taon-taon.

-- Ulat nina Ron Gagalac at RG Cruz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.