Kailan maaaring buwisan ang pagpaparetoke?

ABS-CBN News

Posted at Nov 14 2017 06:42 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Matapos almahan ng grupo ng mga doktor, siniguro ni House committee on ways and means chairman Dakila Carlo Cua na sasailalim pa sa masusing pag-aaral ang panukalang buwisan ang mga serbisyong pampaganda o retoke.

Sa panayam sa DZMM nitong Martes, pinaliwanag ni Cua na pinasok lang sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) ang probisyong pagbubuwis sa cosmetic procedures nang dalhin ito sa Senado. 

"Sa bersiyon na pinasa ng House of Representative, wala pa yang portion na ganiyan so I guess lumabas po iyan sa talakayan sa Senado. Hindi pa naman po tapos ang proseso pero mukang sa committee report nila, mayroon ng gano'ng klaseng buwis," ani Cua. 

Inamin ni Cua na hindi niya nasubaybayan ang pagtakbo ng panukala nang dalhin na ito sa Senado matapos pumasa sa Kamara ang TRAIN noong Mayo. 

"Hindi ko po nasiguro ang naging lalim ng talakayan sa Senado...So dapat siguro magkaroon ng malalim na pag-aaral doon o pagsusuri kung paano nga dapat ang maaaring gawin diyan," saad ni Cua. 

Sa ilalim ng Senate Bill 1592, papatawan ng 20% excise tax ang mga cosmetic procedures na nagpapaganda lang ng katawan.

Pero depensa ng Philippine Dermatological Society (PDS), hindi lang pagpapaganda ang layunin ng retoke dahil base sa pag-aaral ay nakakaapekto sa pag-iisip ng tao ang pagpapaayos ng balat at maaari itong maging sanhi ng depression kung hindi nasosolusyonan.

Ayon pa sa Philippine Association of Plastic, Reconstructive, and Aesthetic Surgeons, overseas Filipino workers (OFW) ang karamihan sa mga pasyente nila at 85% hanggang 90% dito ay mga babae.

Para kay Cua, dapat liwanagin pa ng mga nagsusulong ng batas kung ano ang depinisyon ng mga retokeng para lamang sa "vanity" o luho.

"Magkaroon din dapat ng maliwanag na distinction...Mahirap po kasi i-generalize na lahat ng proseso na ginagawa sa katawan nila ay luho...Iyong pangkalusugan ang hirap naman sigurong buwisan no'n," ani Cua. 

Isa pang dapat tingnan, ani Cua, ay ang legalidad ng nasabing dinagdag na probisyon, dahil ito ay isiningit lamang ng Senado sa orihinal na bersiyong ipinasa ng Kamara.

Malinaw kasi sa Saligang Batas na ang House of Representatives ang may eksklusibong kapangyarihan bumalangkas ng anumang "tax-generating measure." 

"Sa akin kailangan pa talagang pag-aralan yung constitutionality niyan, kung puwede po yung ganoong nagmula sa Senado...Magkokonsulta po 'yung aking committee sa mga legal luminaries para malaman natin ano ang kanilang pananaw," sabi ni Cua. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.