Japan, magbibigay ng bigas sa Iligan

ABS-CBN News

Posted at Nov 14 2017 02:10 PM

Sina Japanese Prime Minister Shinzo Abe at President Rodrigo Duterte sa ASEAN-Japan Summit sa Maynila, Lunes. Ezra Acayan, Reuters

MANILA - Mamamahagi ng bigas ang Japan sa mga residente ng Iligan na naapektuhan ng pagkubkob ng mga terorista sa karatig na lungsod ng Marawi. 

Libo-libong residente ng Marawi ang lumikas patungong Iligan nang lusubin ng Maute at Abu Sayyaf gunman ang kanilang bayan noong Marso 23. 

Makalipas ang 5 buwan, natapos ang digmaan sa Marawi nitong Oktubre 23, pero marami pa rin sa mga residente ang nananatili sa mga evacuation center. 

Sa harap ng mga lider ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), nangako si Japanese Prime Minster Shinzo Abe na magbibigay ang kanyang bansa ng bigas sa mga nasa Iligan at kalapit na lugar na apektado ng krisis sa Marawi. 

Sa pamamagitan ng ASEAN Plus Three Emergency Rice Reserve, magsusuplay din aniya ng bigas ang Japan sa Laos at Myanmar. 
 
Nakiusap naman si Abe na alisin na ang import kontrol sa mga pagkain mula Japan na ipinatupad noong 2011 kasunod ng malakas na lindol at nuclear crisis sa bansa. 
 
-- Ulat ni Willard Cheng, ABS-CBN News 

 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.