'Iwas-gulo': Eksperto sa kasunduang ASEAN-China sa 'code' sa S. China Sea

ABS-CBN News

Posted at Nov 14 2017 01:55 AM | Updated as of Nov 14 2017 08:28 AM

Napagkasunduan na ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) at ng China na simulan na ang usapan hinggil sa pagbalangkas ng code of conduct sa South China Sea.

Ayon sa tagapagsalita ng Department of Foreign Affairs na si Robespierre Bolivar, isasama ito sa Chairman's Statement na ilalabas ng Pilipinas pagkatapos ng ASEAN Summit.

Saad ng pahayag ni Bolivar: "Leaders of ASEAN and China, in their statements delivered during the ASEAN-China Summit, have agreed to start talks on the Code of Conduct based on the Framework approved by the Foreign Ministers in August. PH will issue a Chairman's Statement for the ASEAN-China Summit to reflect this fact."

Nagkasundo ang mga lider ng ASEAN at Chinese Premier Li Keqiang na panatilihin ang kapayapaan at kalayaang makadaan sa South China Sea, alinsunod sa international law at United Nations Convention on the Law of the Sea.

Nais din nilang matapos sa lalong madaling panahon ang code of coduct sa mga pinag-aagawang teritoryo.

Ayon kay Professor Milwida Guevarra ng Ateneo School of Government, matagal pang gugulong ang proseso bago tuluyang mabuo ang code of conduct, pero mainam na ring masisimulan na ang pag-uusap ukol dito. 

"Ito ay isang magandang development kasi 'yong pagkakaroon ng code of conduct, makakaiwas 'yon sa isang violent confrontation... ayaw natin ng nag-aaway," ani Guevarra.

Nauna nang nag-alok si US President Donald Trump na mamagitan sa mga bansang may inaangkin sa mga pinag-aagawang teritoryo sa South China Sea. 

Nagpasalamat si Pangulong Duterte sa alok ni Trump, pero tingin ng isang eksperto, hindi basta-basta kakagatin ng iba pang bansa ang pagpagitan sa isyu ng presidente ng Amerika. 

"Tingin ko, hindi nila [iba pang bansa] masyadong tatanggapin with open arms 'yong ideya na 'yon... Ano ba 'yong experience ni Trump sa mediation and arbitration, lalo na sa mga political arena?" tanong ni Professor Jay Batongbacal, director ng UP Institute of Maritime Affairs.

-- May ulat ni Bettina Magsaysay, ABS-CBN News