ALAMIN: Mga kasunduang nabuo sa ASEAN 2017

ABS-CBN News

Posted at Nov 14 2017 09:29 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

May kani-kaniya mang mga interes at isyu gaya ng agawan sa teritoryo, nagsama-sama pa rin ang mga lider ng China, South Korea at Japan para makipagpulong sa mga pinuno ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) sa Maynila nitong Martes. 

Ayon kay Pangulong Rodrigo Duterte, itinuturing na isang pamilya ang rehiyon at dapat mapanatili ang kapayapaan.

"I urge my fellow leaders to continue nurturing peaceful coexistence, particularly within the ASEAN plus three, where we consider ourselves as one and a family," ani Duterte.

Nabuo ang ASEAN plus 3 kasunod ng financial crisis noong 1997.
 
Ngayon, nanawagan ang mga lider ng pagkakaisa para tugunan ang mga bagong hamon sa rehiyon gaya ng climate change.

 Ilang ayuda

Para naman matiyak ang suplay ng pagkain, magbibigay ang Japan ng bigas sa Laos at Myanmar sa pamamagitan ng ASEAN plus 3 rice reserve.

May bigas din para sa mga apektado ng krisis sa Marawi. 

"Vis-a vis assistance to the refugees in the island of Mindanao was to be provided, it has been decided that the rice supply will be drawn down and to be provided to Iligan city and surrounding areas," ani Japan Prime Minister Shinzo Abe.

 Isyu ng EJK, tinalakay ni Trudeau kay Duterte

Watch more in iWantv or TFC.tv

Nagpahayag naman ng pagkabahala sa mga kaso ng human rights violation at extrajudicial killings (EJK) si Canadian Prime Minister Justin Trudeau kay Duterte sa kanilang paghaharap.

Sa kanilang pag-uusap, ipinaabot ni Trudeau kay Duterte na nababahala sila sa umano'y mga kaso ng paglabag sa karapatang pantao sa bansa. 

"I also mentioned human rights, rule of law, specifically extrajudicial killings, as an issue that Canada is concerned with," rebelasyon ni Trudeau. 

Ito ay kahit ilang ulit nang giniit ng Pangulo na hindi niya hahayaan na makialam ang ibang bansa sa pamamalakad nito sa Pilipinas.
    
Pero hindi lang daw si Duterte ang nakausap ni Trudeau tungkol sa human rights kung hindi maging si Myanmar State Counsellor Aung San Suu Kyi patungkol sa Rohingya crisis.

Samantala, giniit din ni Trudeau na desidido silang bawiin ang tone-toneladang basura mula Canada na hanggang ngayon ay nabubulok pa rin sa Pilipinas.

Ang tanong na lang daw ay kung kanino nakaatang ang responsibilidad ng pagbabalik nito at kung sino ang dapat magbayad.

Bukod kay Trudeau, ilang lider din ang nakaharap ni Duterte noong Lunes kabilang na si South Korean President Moon Jae-in at Indian Prime Minister Narendra Modi.

Nakipagkita rin si Duterte kay Prime Minister Dmitry Medvedev ng Russia.

Proteksiyon para sa OFWs

Inaasahan namang magbabago na rin ang pagtrato sa mga overseas Filipino worker (OFW) sa Southeast Asia matapos mapirmahan sa ASEAN ang Consensus on the Protection and Promotion of Rights of Migrant Workers.

Layunin nito ang maprotektahan ang karapatang pantao ng mahigit 200,000 OFW na nagtatrabaho sa mga bansa sa Southeast Asia, katulad ng Singapore at Malaysia, kung saan pinakamarami ang Pinoy workers.

Marami na aniyang ipinagbabawal gawin ang employers sa pagpapatupad ng kasunduan, ani Susan Ople ng Blas F. Ople Policy Center and Training Institute. 

"Hindi na puwede dito kuhanin ang passports ng migrant workers. Para hindi lumipat, kinukuha ng employer ang passport. Dito [sa kasunduan] may concensus na hindi na dapat i-tolerate yun." 

Ayon sa Department Foreign Affairs (DFA), binibigyan din ng kasunduan ng karapatan ang mga OFW na tumanggap ng bisita mula sa kaniyang pamilya, proteksyon mula sa sexual harassment at mula sa overcharging ng placement at recruitment fees. 

Pero dagdag ng DFA, kailangan munang malaman kung "optional" o hindi sapilitan ang pagpapatupad ng kasunduan.

 'Pagkakaisa'

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, nais ni Duterte na magkaisa ang mga bansa para magkaroon ng drug-free ASEAN.

"[Duterte] reiterated that the Philippines welcomes cooperation under the principle of total respect of sovereignty and non-interference in internal affairs of the state," saad ni Roque. 

Bukas aniya ang Pangulo sa pagtutulungan basta't igagalang ang soberenya at hindi pakikialaman ang palakad sa bansa.

May mga tinik man sa relasyon, sinikap ng mga lider ng ASEAN na tumupad sa layunin ng Summit na magkaisa para sa magkakatulad na interes ng rehiyon. 
 
--Ulat nina Willard Cheng, Ron Gagalac, at Pia Gutierrez, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.