63-anyos na lolo, patay sa hit-and-run

Ernie Manio, ABS-CBN News

Posted at Nov 14 2017 03:50 AM

LAGUNA - Patay ang isang senior citizen matapos mabiktima ng hit-and-run sa Los Baños, Laguna Lunes ng madaling araw.

Kinilala ang biktima na si Ramon Lapitan, 63-anyos.

Ayon sa mga testigo, isang pampasaherong jeep ang nakabangga sa biktima sa Barangay Lalakay.

Sa lakas ng pagkakabangga, natanggal pa ang side mirror ng jeep, ayon sa mga nakausap ng pulisya.

Hindi naplakahan ang jeepney ng mga nakakita pero tiyak sila may pasaherong sakay ang jeep.

Sa kuha ng isang security camera, hindi kita ang mismong pagbangga pero makikita na tumigil at nag-hazard ang jeep, ayon sa pulisya. 

Tumigil din ang nakasalubong nito na bus.

Nakikiusap ngayon ang pamilya ng biktima na tulungan silang makamit ang hustisya para sa kanilang padre de pamilya.

"Nananawagan kami sa mga pasahero. May tatay kayo. Masakit ito. Sa driver naman, may tatay ka rin o siguro anak ka rin. Ayaw mo naman magkapalit tayo ng nararanasan ngayon," sabi ni Allan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.