2 taong gulang, patay sa pambubugbog ng amain, tiyuhin

ABS-CBN News

Posted at Nov 14 2017 10:36 PM

Patay ang isang batang babae sa Biñan, Laguna matapos umanong pagtulungang bugbugin ng kaniyang ama at tiyuhin.

Kuwento ni "Mina," ina ng biktima, nadatnan na lamang niyang walang buhay sa kanilang bahay sa Barangay Dela Paz, Biñan ang dalawang taong gulang na anak noong hapon ng Huwebes, Nobyembre 9.

Mismong kapatid at kinakasama ni "Mina" ang itinuturing na responsable sa krimen.

Ayon sa ina, masama ang pakiramdam niya noong araw na iyon pero pinilit nitong umalis at pumasok sa trabaho para may pambili ng gatas sa anak.

Iniwan niya ang anak sa kapatid at kinakasama para bantayan.

Ayon sa pulisya, nakulitan umano ang mga suspek sa bata kaya binugbog nila ito.

Sa tindi ng inabot ng biktima, isinuka umano nito ang kaniyang kinain.

Pero bumara ito sa kaniyang lalamunan, na naging sanhi umano ng pagkamatay.

Sinampahan ng kasong murder ang dalawang suspek. 

Nanawagan naman ng tulong ang pamilya ng biktima para sa pagpapalibing sa bata. Maaari silang tawagan sa numerong 0955-297-9327.

-- Ulat ni Jerome Lantin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.