4 patay sa pamamaril sa Marikina

Ron Lopez, DZMM

Posted at Nov 14 2016 10:00 AM

MANILA - Malapitang pinagbabaril hanggang sa mapatay ang apat na lalaki, kabilang ang isang senior citizen, sa loob ng isang bahay sa Barangay Sto. Niño, Marikina City Linggo ng gabi.

Kinilala ng pulis ang mga biktima na sina Jesus Martin, 60 anyos; Danilo Sernicula, 46; Rodel Aguilar, 41. Isa sa mga nasawi ang hindi pa nakikilala.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, ang mga biktima ay nasa loob ng maliit na bahay na pag-aari ni Martin sa Daang Bakal Street nang pasukin ito ng isang lalaki bandang alas-11 ng gabi at saka pagbabarilin.
 
Pero ayon kay Wilfredo Martin, pamangkin ng isa sa mga biktima na nakatira sa lugar, gumagamit umano ng iligal na droga ang mga biktima nang mangyari ang krimen.

Nagsisilbi anyang drug den ang kanilang bahay para sa mga kakilala ng kaniyang tiyuhing dati na rin nakulong dahil sa droga.

Papalabas aniya siya ng lugar nang pumasok ang suspek at pukpukin siya nito ng baril sa ulo.

Tumakas ang suspek gamit ang motorsiklong minamaneho ng isa pang lalaki, dagdag ni Martin.

Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente lalo't walang nakuhang drug paraphernalia sa lugar, bagamat may isang sachet ng shabu sa bulsa ni Martin.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.