Isabel Lopez maaaring kasuhan dahil sa paggamit ng ASEAN lane

ABS-CBN News

Posted at Nov 13 2017 09:31 AM | Updated as of Nov 13 2017 02:40 PM

MANILA - Nanganganib na makasuhan ang aktres at beauty queen na si Maria Isabel Lopez dahil sa paggamit sa ASEAN lane, sinabi ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Lunes.

Sa mga post sa Facebook at Instagram, ikinuwento ni Lopez na tinanggal niya ang ilang traffic cone upang makabiyahe sa bahagi ng EDSA na nakareserba para sa mga delegado ng ASEAN.

"MMDA thinks I’m an official ASEAN delegate. If you can’t beat ‘em, join them," ani Lopez sa caption ng ilang video.

"Pinag-aaralan ko na ang mga videos na iyan, kung saan talaga niya binuksan, nasaan siya noong kinukuhanan ang video," sabi sa DZMM ni Bong Nebrija, pinuno ng MMDA Task Force Special Operations.

"These will all form part of the evidence that we will be submitting to DOTr (Department of Transportation). Kung matibay ang ebidensya, makakasuhan kung dapat makasuhan," dagdag niya.

Idiniin ni Nebrija na hindi simpleng paglabag sa batas-trapiko ang ginawa ni Lopez, kundi isang "seryosong security breach" kung saan maaaring napahamak ang ASEAN delegates at mga motoristang gumaya sa ginawa ng aktres.

"International event ito na pinagtutuunan natin ng pansin ang seguridad ng mga lahat ng delegado sa ibang bansa.

"Kaya nga po namin nilagyan ng cone, to separate the public motorists and the delegates tapos bubuksan mo -- talagang blatant disrespect of the law, talamak na pagsuway at pambabastos," sabi ng opisyal.

Samantala, ipatatawag naman ng Land Transportation Office (LTO) si Lopez upang magpaliwanag kung bakit hindi dapat suspendihin o kanselahin ang kanyang driver's license.

"Ang pagmamaneho ay isang pribilehiyo, hindi po ito isang right," paalala ni LTO Law Enforcement Service director Francis Almora sa hiwalay na panayam ng DZMM.

Sinabi naman ni Lopez na may mga sasakyang naunang dumaan sa ASEAN lane na kanyang ginamit noong Sabado. Nagpaalam din aniya siya sa isang MMDA enforcer para makadaan sa ASEAN lane.

Itinanggi ni MMDA spokesperson Celine Pialago na binuksan na ang southbound ASEAN lane at maraming ibang sasakyang dumaan dito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.