Duterte, Trump, nag-usap tungkol sa kalakalan, droga, pero di sa human rights

ABS-CBN News

Posted at Nov 13 2017 09:17 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv
  • Karapatang pantao at South China Sea, hindi tinalakay nina Duterte, Trump
  • Duterte, umawit sa harap ng mga delegado ng ASEAN Summit
  • Trump, bahagyang nalito sa ASEAN handshake

Sa kanilang unang pormal at personal na pag-uusap, tinalakay nina Pangulong Rodrigo Duterte at US President Donald Trump ang mga isyu tungkol sa kalakalan ng dalawang bansa, at ang kampanya kontra droga ng administrasyong Duterte.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, binigyang diin ni Trump ang kalakalan sa pagitan ng dalawang bansa.

Partikular ding tinukoy ni Trump ang taripa sa mga sasakyang galing sa Amerika, gayong wala raw taripa ang mga sasakyang galing sa Japan.

Kaugnay nito, sinabi ng Pilipinas na bukas itong magkaroon ng free trade agreement sa Amerika. 

Pinag-usapan din ng dalawang lider ang kampanya kontra droga ng administrasyong Duterte.

Ayon kay Roque, may ilang bagay lang na tinanong si Trump kaugnay nito, tulad kung gaano kalala ang problema sa ilegal na droga ng Pilipinas.

Hindi naman tinalakay sa kanilang pulong ang isyu ng karapatang pantao.

Pinagtibay ng dalawang lider ang pagkakaibigan ng dalawang bansa at nagkasundo rin daw sina Duterte at Trump sa kanilang pananaw tungkol sa isang personalidad. 

"It's very apparent that both of them have a [common] person who they consider as not their best friend. They have similar feelings towards former US President Barack Obama," ani Roque. "He [Trump] made the assurance that President Duterte has a friend in the person of President Trump."

("Lumalabas na kapwa hindi itinuturing na matalik na kaibigan nina Duterte at Trump si dating US President Barack Obama. Tiniyak naman ni Trump na kaibigan siyang maituturing ni Duterte.")

Matatandaang dating sinabihan ni Obama si Duterte na gawin sa tamang proseso ang kampanya kontra droga.

Hindi rin tinalakay sa pulong nina Duterte at Trump ang isyu sa South China Sea.

Pero pinag-usapan ang isyu sa mga pinag-aagawang teritoryo sa pulong ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) at Tsina.

Nagkasundo ang mga lider ng ASEAN at Chinese premier Li Keqiang na panatilihin ang kapayapaan at kalayaang makadaan sa South China Sea, alinsunod sa international law at United Nations Convention on the Law of the Sea.

Nais din nilang matapos sa lalong madaling panahon ang code of coduct sa mga pinag-aagawang teritoryo.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Gala dinner

Bago ang opisyal na pagbubukas ng ASEAN Summit nitong Lunes, mainit na sinalubong kagabi nina Duterte at partner na si Honeylet Avanceña ang mga lider at delagadong dumalo sa gala dinner.

Kabilang sa mga dumalo sina Trump at Canadian Prime Minister Justin Trudeau na kapuwa nagsuot ng barong.

Nagkaroon muna ng 'family photo' ang mga lider bago sinimulan ang hapunan at toast ni Duterte para sa tagumpay ng pagpupulong.

Matapos naman ang mga pagtatanghal ng Pinoy performers, pinagbigyan ni Duterte ang hiling na kanta ni Trump.

ASEAN handshake

Pormal na sinimulan nitong Lunes ang ASEAN Summit sa tradisyonal na ASEAN handshake.

Bahagyang ikinalito pa ni Trump ang nakagawiang hawak-kamay ng mga pinuno.

     
Sa talumpati, nagpasalamat si Duterte sa tulong ng ASEAN at ibang bansa para labanan ang mga terorista sa Marawi at sa muling pagbangon ng lugar.

Aniya, mahalaga ang pagtutulungan para labanan ang mga banta sa kapayapaan at kaayusan.

"Terrorism and violent extremism endanger the peace, stability and security of our region because these threats know no boundaries. Piracy and armed robbery in the seas put a dent on our growth and disrupt the stability of both regional and global commerce. The menace of illegal drug trade continues to endanger the very fabric of our societies. These and other issues are high on the agenda of our meetings," ani Duterte.

("Banta sa kapayapaan, kapanatagan, at seguridad ng rehiyon ang terorismo dahil hindi ito kumikilala ng hangganan. Naglalagay ng balakid sa rehiyonal at pandaigdigang kalakalan ang mga pirata at armadong pagnanakaw na umaatake sa mga naglalayag. Patuloy na nagbabanta sa sa lipunan ang salot na kalakalan ng ilegal na droga. Ang mga isyung ito ay nangunguna sa agenda ng aming mga pulong.")

Inaasahang kokondenahin din ng mga leader ang weapons program ng North Korea at mananawagan dito na sumunod sa mga obligasyon nito, ayon sa draft ng ilalabas na Chairman's Statement.

-- Ulat nina Pia Gutierrez at Willard Cheng, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.