'Alok ni Trump na mamagitan sa isyu ng teritoryo, walang kakagat'

ABS-CBN News

Posted at Nov 13 2017 10:38 PM | Updated as of Nov 13 2017 11:39 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Sinabi ni US President Donald Trump na handa siyang mamagitan sa mga bansang nag-aagawan ng teritoryo sa West Philippine Sea. 

Nagpasalamat si Pangulong Rodrigo Duterte sa alok ni Trump. 

Pero wala nang iba pang bansang nagsabing payag silang maging "mediator" o tagapamagitan ang presidente ng Amerika. 

"Tingin ko, hindi nila [iba pang bansa] masyadong tatanggapin with open arms 'yong ideya na 'yon... ano ba 'yong experience ni Trump sa mediation and arbitration, lalo na sa mga political arena?" tanong ni Professor Jay Batongbacal, director ng UP Institute of Maritime Affairs.

Kung ang Amerika, nag-aaway-away dahil kay Trump, paano pa raw kaya sa Timog Silangang Asya?

Nang huling mamagitan ang Amerika pitong taon na ang nakakaraan, ang resulta, nakontrol ng Tsina ang Scarborough Shoal. 

Kaya napilitang dumulog noon sa arbitral tribunal sa The Hague, Netherlands ang nakaraang gobyerno sa ilalim ni Benigno Aquino III. 

Nanalo ang Pilipinas pero hindi ito kinikilala ng Tsina.

Kaya ano daw ang kasiguruhang makikiisa ang Tsina sa anumang pag-uusap na pangungunahan ng Amerika na kalaban ngayon ng Tsina sa iba't ibang isyu ng ekonomiya at politika.

"Habang pinaninindigan daw natin 'yong decision [ng arbitral tribunal], in the meantime, at patuloy pa rin ang ginagawa ng China sa West Philippine Sea," ani Batongbacal.

Ayon kay dating Solicitor General Florin Hilbay, makabubuti sa Pilipinas ang alok ni Trump dahil makakahanap ng matibay-tibay na kakampi ang Pilipinas.

Pero hindi pa rin ito kasiguraduhang maaayos ang tensiyon sa West Philippine Sea dahil iba ang game plan ng China. 

"China will resist it... And at the same time enforce, fortify its illegal artificial constructions in South China Sea," ani Hilbay.

Ang pinakamagandang gawin daw ni Duterte ay patuloy na iprotesta ang pananakop ng Tsina at panindigang dapat ipatupad ang naging desisyon ng arbitral tribunal.

"With enough countries joining our side, we can put some pressure [on China]," ani Hilbay.

Hindi umano kailangang makipag-away o makipaggiyera ng pangulo, kailangan lang niyang ipakita sa Tsina at sa buong mundo na hindi dahil kaalyado at kaibigan, ipamimigay na ang mga teritoryong pinag-aagawan.

-- Ulat ni Ron Gagalac, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.