SOCO: OFW, natagpuang patay sa hotel sa Camarines Norte

ABS-CBN News

Posted at Nov 11 2017 08:36 AM

 

Naging mabigat para sa 31 anyos na si Sarah Mae Cabatingan na iwan ang kaniyang pamilya sa Davao para mamasukan bilang domestic helper sa Saudi Arabia noong Marso 2016.

“Dahil nga po sa hirap ng buhay… siya na lang daw po ang aalis para sa kinabukasan ng mga anak nila,” kuwento ng kaniyang kapatid na si Sarah Jean Enalisan.

Pero sa kabila ng pagsubok na ito, naging mapalad si Cabatingan sa kaniyang amo.

“Masaya po siya kasi masuwerte siya sa mga amo. Mababait.”

Naging makulay din ang buhay pag-ibig ni Cabatingan nang may makilala at maka-chat siyang lalaki sa Facebook.

“‘Ate, may boyfriend ako. Nakilala ko sa social media.’ ‘Yun yung sabi niya,” sabi ni Enalisan.

Kuwento ni Luzviminda Manlangit, kasama ni Cabatingan sa Saudi Arabia, di na natigil ang pagpapalitan ng mga mensahe nina Cabatingan at ng lalaki. 

Batay sa message thread ng dalawa, maraming ari-arian ang naturang lalaki.

“Sabi [ni Cabatingan], isa siyang sundalo, 31 years old,” sabi ni Manlangit.

Sa kabila ng pagpapaalala nina Enalisan at Manlangit, siniguro naman ni Sarah Mae na hindi manloloko ang kaniyang bagong pag-ibig.

“Sabi namin sa kanya, [huwag] basta magtitiwala sa kaniya kasi nga maraming nakikilala sa social media na manloloko. Pero sabi niya, 'Ate, mabait po ito,’” banggit ni Enalisan.

Pero sa kabila nito, nasubukan ang katatagan ni Cabatingan nang magkasakit ang kaniyang panganay na anak.

“Gusto na talagang umuwi [ni Cabatingan]. Kasi hindi puwedeng patagalin 'yung sakit ng anak niya kasi puwedeng ikamatay niya… Sabi niya, hindi na daw niya alam ang gagawin niya.”

Nag-alok naman ng tulong ang kasintahan ni Cabatingan, kaya naman agad itong umuwi sa Pilipinas para mapagamot ang anak.

Pero noong Mayo 6, natagpuang patay si Cabatingan sa isang hotel sa Camarines Norte.

“May tama ng saksak 'yung victim. Meron sa leeg. May mga galos sa braso,” sabi ng dating investigator-on-case na si Police Officer 2 Rossland Gonzales.

Sundan ang kuwento ni Sarah Mae Cabatingan sa 'SOCO: Scene of the Crime Operatives' ngayong Sabado, Nobyembre 11, 4 p.m. pagkatapos ng 'Ipaglaban Mo!' sa ABS-CBN.

Para sa karagdagang detalye, sundan ang 'SOCO’ sa Facebook at Twitter.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.