'Malasakit Center', magbubukas na sa Cebu at Bohol

Edgar Escalante, ABS-CBN News

Posted at Nov 11 2017 07:55 AM

CEBU - Pinirmahan Biyernes ng hapon ang memorandum of agreement para sa paglalagay ng 'Malasakit Center' sa mga pampublikong ospital sa Cebu at Bohol.

Nanguna sa pagpirma ng MOA ang Presidential Assistant for the Visayas na si Michael Diño, kasama ang mga regional director ng mga ahensya ng gobyerno na kasali sa programang ito.

Ang Malasakit Center ay isang health-support initiative ni Presidente Rodrigo Duterte na ilalagay sa apat na ospital sa Cebu. Ang mga ito ay ang Vicente Sotto Memorial Medical Center, Eversely Child's Sanitarium and General Hospital, Saint Anthony Mother and Child Hospital, at Talisay District Hospital. 

Ilalagay din ang Malasakit Center sa dalawang ospital sa Bohol. Ito ang Gov. Celestino Gallares Memorial Hospital at Don Emilio Del Valle Memorial Hospital.

Sa pamamagitan ng Malasakit Center, madali ng malalapitan ng mga pasyente ang mga ahensyang maaring makakatulong sa kanilang pagpapagamot gaya ng Department of Health, Department of Social Welfare and Development, Philhealth, PCSO, at iba pa.

Ayon kay Diño, mapapatupad at magiging operational na ang Malasakit Center bago pa matapos ang buwan ng Nobyembre.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.