Lalaking nanutok umano ng baril sa QC, arestado

Vivienne Gulla, ABS-CBN News

Posted at Nov 11 2017 07:46 AM | Updated as of Nov 11 2017 07:51 AM

Arestado ang isang lalaki matapos umanong manutok ng baril sa Barangay Old Balara, Quezon City.

Kinilala ang suspek na si Jason Yambot na aminadong nakainom.

Kwento ng nagreklamong si Jason Entredicho, naglalakad siya pauwi sa Visayan Hills nang makasalubong si Yambot at ang dalawa pang lalaking kasama nito na mukhang mga nakainom din.

Itinulak umano siya ng kasama ni Yambot kaya pinagsabihan niya.

Nagulat si Entredicho nang bigla siyang sinapak ng lalaki sa mukha kaya napaupo siya.

Pagtayo ng biktima ay nagkasa umano ng baril si Yambot at itinutok sa kanya.

Inawat si Yambot ng kapitbahay kaya nakaalis si Entredicho na nagreklamo sa barangay.

Itinatanggi ni Yambot na tinutukan niya ng baril si Entredicho dahil wala naman umano siyang pag-aaring baril.

Nakatambay lang umano siya sa tindahan nang humingi sa kanya ng tulong ang biktima matapos masuntok ng hindi niya kilalang lalaki.

Nahaharap si Yambot sa kasong alarm and scandal habang pinaghahanap pa ng pulis ang lalaking nanakit kay Entredicho.