Batang babae sa GenSan, natagpuang patay sa mismong kaarawan

Jay Dayupay, ABS-CBN News

Posted at Nov 11 2017 01:23 AM | Updated as of Nov 11 2017 04:27 PM

GENERAL SANTOS CITY- Natagpuang walang saplot sa katawan at halos madurog na ang bungo ng isang batang babae sa isang rantsohan sa Barangay Tambler sa lungsod na ito Biyernes ng hapon.

Ipagdiriwang sana ng pamilya ng biktima ang ika-8 kaarawan ng bata ngunit nauwi ito sa pagluluksa sa brutal na pagpaslang sa kaniya.

“Mas maganda kung i-death penalty. Dapat talaga i-death penalty, kawawa naman iyong anak ko," ani ng ama ng biktima.

Ayon kay Senior Insp. Fernando Manuel, hepe ng Police Station 7, Huwebes pa ng gabi sinabi sa kanila na nawawala ang bata. Huli umano siyang nakitang kasama ang kapitbahay nila.

Nahuli umano ang suspek na si Mark Engkong matapos siyang makita ng mga pulis na nilalabhan ang kaniyang mga damit na may bahid ng dugo.

Ani Manuel, inamin umano ng suspek sa kanila ang krimen at itinuro kung saan niya itinago ang bangkay ng biktima.

“Umamin ito sa amin kaya nalaman namin na sa rantsohan niya inilibing iyong bangkay ng bata. Para sa amin, personally, walang kapatawaran itong ginawa ng suspek," ani Manuel.

Ngunit iba ang sinabi ni Engkong sa media. Inutusan umano siya ng 2 pa niyang kasamahan na kunin ang bata. Dinala umano nila ang bata sa bakanteng lote at doon na umano niya nakita ang 2 niyang mga kasamahan na ginahasa ang bata.

“Pero habang ginagawa nila iyon, tumakas na ako. Hindi ako ang gumawa niyan," sabi ni Engkong.

Hindi naman makapaniwala ang mga magulang ng biktima sa kalunos-lunos na sinapit ng kanilang bunsong anak.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.