2 traffic enforcer na may mga motor na magkatulad ang plate number, sinibak

Madonna Timbal-Senajon, ABS-CBN News

Posted at Nov 11 2017 12:57 AM

Courtesy by Ranz Estor

DAVAO CITY - Sinibak ang dalawang traffic enforcer sa Davao City matapos silang makunan ng retrato ng isang netizen na nagmamaneho ng mga motorsiklong gamit ang magkatulad na plate number.

Kinilala ang dalawa na sina Pedro Pebria Jr. at Edwin Buenvenida na nakatalaga sa City Transport and Traffic Management Office.

Ang nasabing retrato na kuha ni Ranz Estor at ipinost sa isang public forum sa Facebook.

Simula Huwebes, tanggal na sa serbisyo ang dalawang traffic enforcer at kinumpiskado na rin sa kanila ang mga issued handheld radios at traffic citation tickets.

"Mukhang maiintindihan ko pa kung sibilyan ang nagkasala pero kayo pa talaga mga enforcer. Nagdadakip kayo tapos kayo pa ang number one violator," ang galit na pahayag ni Dionisio Abude, hepe ng CTTMO.

Dismayado si Abude dahil nilabag ng dalawa ang kanilang polisiya at ang mismong traffic code na bawal gumamit ng pekeng plate number. Ang mas masaklap ay nadamay pa ang ibang traffic enforcers sa paniniwalang taga-Makati City ang nag-viral na larawan.

Depensa ng dalawang traffic enforcer na sabay silang bumiyahe dahil pareho sila ng assignment noong araw na iyon.

"Hiniram ko iyon ma'am, kasi sabi ko kung makakabili na ako ng motor, gagamitin ko. Kaso nakalimutan ko. Hindi ko na napalitan. Tatanggapin ko nalang ma'am kasi nagkasala ako," paliwanag ni Buenvenida.

Sabi naman ni Pebria: "Meron talaga akong kasalanan. Nahihiya ako kay mayor. Humihingi ako ng tawad sa kasalanan namin."

Nakumpirma rin sa database ng Land Transportation Office Region XI na noong December 4, 2015 pa huling narehistro ang motorsiklo na ginamit ni Pebria. Nakapangalan ito sa isang Lee Roy Dela Cruz Montecino.

"Ibig sabihin, hindi pa na-transfer ang kanyang certificate of registration based sa system. Illegal attachment iyong isa tapos ang isa unregistered plate. Impoundable offense ito," ayon sa Assistant Regional Director ng LTO XI na si Neil Canedo.

Paalala ng hepe ng CTTMO sa kanyang mga tauhan na palaging sumunod sa batas trapiko, lalo pa't bilang mga traffic enforcers, dapat maging modelo sila sa publiko.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.