2 patay sa pagguho ng bahagi ng ginagawang mall sa Bacolod

ABS-CBN News

Posted at Nov 11 2017 09:50 AM | Updated as of Nov 11 2017 02:41 PM

Patuloy ang paghahanap sa mga naipit na construction worker sa isang ginagawang gusali sa Bacolod kung saan gumuho ang ika-limang palapag, Sabado ng madaling araw. Martian Muyco, ABS-CBN News

(UPDATED) Dalawang construction worker ang kumpirmadong nasawi sa pagguho ng ika-limang palapag ng ginagawang mall sa Bacolod, Sabado ng madaling araw.

Nagulantang na lamang ang mga papasok na kasamahan ng mga biktimang 'di muna pinangalanan nang makita nilang gumuho ang mga materyales na bakal at iba pang construction debris mula sa ika-limang palapag ng gusaling pag-aari ng Ayala Land Inc.

Nangako naman ang mga opisyal mula sa property developer na tutulungan ang mga pamilya ng dalawang manggagawa ng kanilang subcontractor habang patuloy naman ang imbestigasyon sa insidente.

"Both companies are also working with local government officials to determine the cause of the incident," ayon kay Therese Borromeo, branch manager ng Ayala Land Inc.

Lumalabas na isa sa beams sa ika-limang palapag ng gusali ang nabali umano at nagtuloy-tuloy na nagpaguho sa scaffolding nito.

Hindi pa makakuha ng karagdagang impormasyon ang awtoridad mula sa property developer at contractors ng gusali habang nagpapatuloy ang clearing operation.

Wala naman din umanong iba pang trabahador ang nasugatan sa aksidente.

“Importante that families of the workers have been taken good care of. I think that’s the crucial thing we can do right right now,” dagdag ni Borromeo.
 
Magsasagawa din ng imbestigasyon ang Department of Labor and Employment hinggil sa aksidente. -- May ulat nina Martian Muyco at Nico Delfin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.