1 patay, 1 nakaligtas matapos dukutin at pagbabarilin sa Batangas

Paulo Ferrer, ABS-CBN News

Posted at Nov 11 2017 01:01 AM

Dalawang tao ang umano'y naging biktima ng summary execution at natagpuang nakahandusay sa kalsada sa bayan ng Talisay, Batangas Huwebes ng umaga.

Patay nang matagpuan ng mga pulis si Cyana Elma habang humihinga pa si Ali Guinar na agad dinala sa ospital. Parehong residente ng Barangay H-2 sa lungsod ng Dasmariñas, Cavite ang dalawa.

Nakatali ng tape ang mga paa at kamay ng mga biktima nang makita ng mga rumespondeng awtoridad.

Ayon sa salaysay ni Guinar, dinukot sila ng mga suspek matapos silang mapagkamalang police asset.

"Napaghinalaan silang tumutulong sa mga pulis. Si Guinar ay may kamag-anak na nahuli ng Dasmariñas pulis sa illegal drugs more than a month na yata. Naghinala iyong mga kamag-anak na itong dalawa ang tumulong sa mga pulis para mahuli," sabi ni Senior Insp. Emil Mendoza, hepe ng Talisay Municipal Police Station.

Narekober sa lugar ang walong basyo ng .45 na baril. Naniniwala ang mga pulis na paghihiganti ang motibo sa krimen.

Nasa maayos na kalagayan na si Guinar habang dinala na sa Las Piñas City ang labi ni Elma kung saan siya ibuburol.

Tinutugis na rin ngayon ang mga suspek na kilala na ng pulisya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.