Suspek sa pananaksak sa amo, patay din matapos tumalon sa mall

ABS-CBN News

Posted at Nov 10 2017 11:02 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Natagpuang patay ang lalaking sinasabing sumaksak umano sa isang babaeng negosyante sa BF Homes Parañaque noong Miyerkoles.

Matatandaang natagpuang patay sa loob ng kaniyang kuwarto ang negosyanteng si Menchie Modesto matapos magtamo ng 15 saksak. 

Sa kuha ng CCTV ng bahay, nakitang ang huling pumasok sa kuwarto ay ang kaniyang empleyado na si Edwin Casas bandang alas-7 ng umaga ng parehong araw.

Nakuhanan din ang pagkuha niya ng kutsilyo mula sa kusina bago umakyat sa silid ni Modesto.

Dahil dito, ipinag-utos ng pulis ang paghahanap kay Casas.

Pero Huwebes ng gabi, nakatanggap ang Cainta PNP ng report na may lalaking nahulog mula sa ikaapat na palapag ng isang mall sa Cainta.

Isa sa narekober sa bulsa ng lalaki ang papel na may pangalan ni Edwin Casas at numero ng isang babae na positibong nagpakilala bilang kaniyang ina.

Sa kuha ng CCTV, makikita si Casas na papunta sa parking ng mall. Pati na rin ang pagtalon niya mula sa gusali, nahagip ng CCTV. 

Kuwento ng mga katrabaho ni Casas, nitong Hunyo lang nag-umpisa sa trabaho si Casas bilang taga-deliver ng mga produkto at driver ni Modesto.

Matipid umano magsalita si Casas, pero malapit sa kaniyang amo na si Modesto. 

Si Casas lang din daw ang hinahayaang pumasok sa kuwarto ng biktima.

May ilang motibo nang tinitignan ang mga pulis sa nangyari.

"Dalawang motive ang tinitignan namin, isa ay selos kasi may relasyon daw sila at may statement from relatives na may ka-text na ibang lalak si Modesto. Ang isa naman ay robbery lalo na't businesswoman siya," ani Senior Insp. Arlan Perez, chief investigator ng Parañaque police.

Patay man ang suspek na si Casas, tuloy pa rin ang imbestigasyon ng pulisya para mabigyan ng liwanag ang talagang nangyari sa insidente.

--Ulat ni Lyza Aquino, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.