Pulis at sanggol patay sa ambush sa Bukidnon

Ronnie Enderes, ABS-CBN News

Posted at Nov 10 2017 05:59 PM

Hinihinalang mga miyembro ng New People's Army ang nasa likod ng pananambang Miyerkoles ng hapon sa Bukidnon, kung saan isang pulis at isang sanggol ang namatay. Ronnie Enderes, ABS-CBN News

Dalawa ang nasawi, kabilang ang isang apat na buwang sanggol, sa pananambang nitong Miyerkoles ng hapon sa Bukidnon.

Ayon sa report, tinambangan ng mga hinihinalang miyembro ng New People's Army (NPA) ang patrol car ng Amai Manabilang, Bumbaran police habang dumaraan sa highway ng Kilometer 28, Barangay Tikalaan, Talakag sa Bukidnon.

Nakilala ang nasawing pulis na si SPO3 Arnel Carillo. Sugatan naman ang mga kasamahan niyang sina Insp. Joven Acuesta, SPO1 Pacifico Cabudoy, PO1 Nathaniel Ibal at isang Alexander Maniscan.

Lulan naman ng kasunod na sasakyan ang sanggol na nasawi. Dalawa pang kasama niya ang nasugatan din sa pananambang.

Sabi ni Senior Supt. Danildo Tumanda, narekover nila sa ambush site ang mga basyo ng bala ng M60 machine gun, M203 grenade launcher, M16 at AK47 rifle, landmine, detonating cord at isang tent.

Sa gilid ng highway, may natagpuan din na foxholes o taguan.

Itinuturong NPA ang nasa likod ng pag-atake dahil may nakita rin umanong propaganda materials na naiwan ng grupo.

Hinigpitan naman ng mga pulis ang seguridad sa bayan dahil sa bantang muling pag-atake ng mga rebeldeng NPA.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.