Pawikan, nasagip sa gitna ng masamang panahon

Kate Delovieres, ABS-CBN News

Posted at Nov 10 2017 04:34 PM

Isang pawikan ang nasagip sa gitna ng masamang panahong dulot ng bagyong Salome, Huwebes ng hapon sa Camarines Sur.

Nakuha ng mangingisdang si Rafael Race ang pawikan sa tabi ng dagat sakop ng Sitio San Rafael sa Barangay San Cirilo sa Pasacao pasado alas-5 ng hapon.

Agad niyang tinalian at inilagay sa tubig ang pawikan na halata umanong nanghihina na. Sa tulong ng local government unit at maritime, naipagbigay alam nila sa Department of Environment and Natural Resources ang pagkakaligtas sa pawikan.

Sa pagsusuri, lalaking Green Sea Turtle ito na tinatayang nasa 64 centimeter ang haba at 63 centimeter naman ang lapad. 

Ayon sa DENR, nangyayari ang stranding o pagkaka-padpad ng mga pawikan sa tabi ng dagat dahil na rin sa masamang panahon kung saan naghahanap ang mga ito ng mas ligtas na lugar.

Matapos malagyan ng tag ng DENR, pinakawalan rin ang pawikan sa dagat Biyernes.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.