Pagkakamali sa 'Yolanda' rehab, tiniyak na di mauulit sa Marawi

ABS-CBN News

Posted at Nov 10 2017 09:43 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Tiniyak ng mga opisyal na hindi mauulit sa Marawi ang mga naging pagkakamali sa Yolanda rehabilitation gaya ng atrasadong paggawa ng mga pabahay para sa mga biktima.

Ayon sa tagapagsalita ng Provincial Crisis Management Committee ng Lanao del Sur na si Zia Alonto Adiong, hindi mauulit sa Marawi ang mga problema noon sa rehabilitation sa Tacloban para sa mga nasalanta ng bagyong Yolanda noong 2013.

“The agencies involved in the reconstruction and rehabilitation of Marawi were the ones involved in the rehabilitation of Yolanda so they know the mistakes and they would try to avoid those mistakes,” ani Adiong.

Giit pa ni Adiong, kailangan na may specific na budget ang gobyerno para sa reconstruction at rehabilitation ng lungsod.

Malaki naman ang plano ni Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC) chairperson at bagong talagang Marawi rehabilitation czar na si Eduardo del Rosario.

Pero aminado siyang baka wala pang master plan hanggang second quarter ng 2018 dahil hinihintay pa nila ang resulta ng post-conflict assessment needs report.

Pero iginiit niya na may mga pribadong kumpanya na gustong tumulong. 

Ayon naman kay Marawi Mayor Majul Usman Gandamra, tuloy-tuloy ang paggawa sa mga transitional shelters sa Barangay Sagunsungan sa Marawi.

“Patapos na po ‘yung road network at ngayon ay ‘yung mga foundation work na lalagyan ng mga temporary shelters are ongoing din,” ani Gandamra.

Nasa 22 square meters ang bawat transition shelter at kasya ang lima hanggang anim na miyembro ng pamilya. May lababo, may palikuran, at single detached unit ang mga ito.

Disyembre 15 ang deadline para magsimulang mag-turn over sa mga internally displaced persons.

Watch more in iWantv or TFC.tv

‘Tourist destination’

Samantala, tinitingnan na rin ng Task Force Bangon Marawi ang pagpepreserba ng hanggang tatlong gusali sa loob ng ground zero.

Sinabi ni Del Rosario na hindi na aayusin ang matutukoy na gusali para magsilbing alaala ng pinagdaanan ng bansa sa laban nito kontra terorismo. 

Bahagi umano ng rehabilitasyon ang gawing tourist destination ang Marawi City.

Pagagandahin din ang mga ilog sa loob ng lungsod at lalagyan ng mga bangka na maaaring sakyan ng mga turista patungo sa mga itatayong resort sa gilid ng Lanao Lake. 

Dagdag pa ni Del Rosario, naghayag na ang ilang Muslim countries na tutulong sa pagtayo muli ng mga masjid sa lungsod. 

-- Ulat nina Jeff Canoy at Dexter Ganibe, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.