Pader ng ospital sa Quezon City, gumuho

Joyce Balancio, ABS-CBN News

Posted at Nov 10 2017 09:16 AM

Gumuho ang pader ng Quirino Memorial Medical Center sa kasagsagan ng malakas na ulan at hanging dala ng bagyong Salome, Huwebes ng gabi sa Quezon City.

Naganap ang insidente pasado alas-10 ng gabi kung saan 3 sasakyan din ang bahagyang natabunan ng mga bato mula sa gumuhong pader.

Ayon sa pulisya, walang matibay na pundasyon ang pader at dahil sa kalumaan ay lumambot na rin ang adobe nito.

Sa ngayon ay nagsasagawa ng clearing operations sa lugar at nakipagugnayan na rin ang pulisya sa ospital at Department of Health para matanggal na ang mga bato.

Hindi pa madadaanan ang isang lane ng P. Tuazon Boulevard sa tapat ng gumuhong pader.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.