Noynoy, nagpiyansa na bago pa maaresto

ABS-CBN News

Posted at Nov 10 2017 10:45 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Naghain na ng piyansa si dating Pangulong B‌enigno "Noynpy" Aquino III sa Sandiganbayan kaugnay ng mga kaso niya dahil sa Mamasapano encounter noong 2015.

Base sa information na inihain ng Office of the Ombudsman, kasong graft at usurpation of official functions ang kakaharapin ni Aquino. 

Nasa P40,000 piyansa ang inilagak ni Aquino, na bitbit pa ang mga kapatid at kaalyado sa korte. 

Ang mga kaso ay may kaugnayan sa pag-utos umano ng dating Pangulo sa noo'y suspendidong Philippine National Police chief Alan Purisima na pangunahan ang Oplan Exodus sa Mamasapano.

Sumailalim sa booking process si Aquino tulad ng fingerprinting, pero nagsumite na lang siya ng retrato sa halip na i-mugshot siya. 
 
Bago pa siya pumunta sa Sandigangbayan, naglabas ang korte ng probable cause para litisin ang dating pangulo.

May arrest warrant ding pinirmahan ang mga mahistrado ng korte pero hindi na ito inilabas dahil nakapagpiyansa na si Aquino. May hold departure order na rin na inilabas ang korte.

Koneksiyon kay Cabotaje-Tang

Nai-raffle na rin sa 3rd Division ng Sandiganbayan ang kaso laban kay Aquino.

Nangako naman si Presiding Justice at 3rd Division Chairman Amparo Cabotaje-Tang na magiging patas sila sa pagdinig sa kaso.

Si Cabotaje-Tang ay appointee ni Aquino. Pero depensa ng mahistrado, wala namang magiging epekto ito sa paggampan niya sa kaniyang trabaho.

"Lahat dito naging appointee ng different presidents...We will just apply the rules as we have done [in the past]," paniniguro ni Cabotaje-Tang.

Maari namang ma-consolidate ang kaso ni Aquino sa tumatakbong kaso ni Purisima sa 4th Division pero pag-uusapan pa ito ng dalawang korte.

Itinakda ang arraignment ng dating Pangulo sa Enero 12, 2018.

--Ulat ni Adrian Ayalin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.