Nawawalang mangingisda, na-rescue

Rona Nuñez, ABS-CBN News

Posted at Nov 10 2017 06:59 PM

SAN JOSE, Camarines Sur – Nakabalik na sa kanyang pamilya ang isang mangingisdang nawala matapos na pumalaot sa dagat.

Masakit man ang katawan lalo na ang mga paa dahil sa lamig ng panahon, labis ang pagpapasalamat ng 61-anyos na si Nestor Francia na nakaligtas siya sa kapahamakan.

Mag-isang pumalaot si Francia Huwebes ng madaling araw mula sa kanilang lugar sa Barangay Adiangao sa bayan ng San Jose pero biglang lumakas ang ulan at alon noong papauwi na siya ng tanghali.

Kuwento ni Francia, tumaob ang kanyang bangka dahil sa sama ng panahon. Pumaibabaw siya sa bangka.

Habang palutang-lutang sa dagat, iniisip niya raw ang kanyang pamilya at ito ang naging inspirasyon niya para mas lakasan ang loob.

Tiniis ni Francia ang gutom sa loob halos isang araw.
 
Nabuhayan siya ng pag-asa nang makita siya ng kapwa-mangingisda Biyernes ng umaga.

Lumipat siya sa bangka nito at agad na pumunta sa tabing-dagat.

Pangingisda ang talagang hanap-buhay ni Francia mula pa noon.

Ibinahagi din niya ang naging karanasan ng kanyang ama nang ito'y mawala rin sa laot ng isang linggo.

Dahil sa pangyayari, mas mag-iingat na raw siya at sisiguraduhing maganda ang panahon bago pumalaot.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.