Modus ng 'budol' sa OFW at retirado, bakit hindi masugpo?

ABS-CBN News

Posted at Nov 10 2017 09:16 PM

Tukoy na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang grupo ng budol-budol gang na nasa likod na pambibiktima sa mga senior citizen, overseas Filipino workers (OFW), at mga negosyante.

Pero ang ilang biktima, dismayado sa mga bangko na tali ang kamay dahil sa bank secrecy law. 

Karamihan kasi sa mga biktima ng budol-budol, pinagdedeposito ng mga kawatan sa lehitimong bank account.

Tulad na lamang ni "Ginang Doria" na natangayan ng halos P1.4 milyon ng mga suspek matapos nagpanggap na interesado sa kaniyang real estate, hanggang sa makumbinse siyang bumili ng preservative para sana sa shrimp business. 

Nagdeposito siya ng P1 milyon sa account ng isang Emerson Mayo at P450,000 naman sa account ni Alfredo Loyola Jr.

Ang mga produktong hawak ni Ginang Doria na para raw sa shrimp production ay pareho sa mga nakuha ni Mang Leonardo, isa pang biktima ng budol-budol.

"Sakit at sama ng loob 'yung binigay nila sa amin. Halos masira ang pamilya namin. Pinaghirapan ito ng asawa ko, pampaaral ng anak ko," hinaing ni Ginang Doria.

Ang masama pa roon, maging ang mga naiwang "preservative" umano ay hindi rin mapakikinabangan ni Ginang Doria dahil lumabas sa lab test na gawgaw lamang ito.

Sakop pa rin ng 'bank secrecy law'

Desidido ang ginang na magsampa ng kaso pero ang problema, bigo siya na makakuha sa bangko ng detalye ng mga nag-withdraw sa kaniyang pera.

Sagot kasi ng isang bangko sa PNP-CIDG, hindi sila makapagbibigay ng impormasyon nang walang utos mula sa korte alinsunod sa bank secrecy law

Pero si Ginang Doria, hindi matanggap ang sagot ng banko. 

"Sana makipag-cooperate na sila na magbigay ng details para ma-push through agad ang pagdedemanda," pakiusap niya. 

Maging si Pangulong Rodrigo Duterte, nais hingan ng tulong ng problemadong ginang. 

"President Duterte gusto po namin matigil na itong kahayupan na ginagawa nila sa tao. Kung puwede lang pag nahuli sila wag na silang pakawalan," giit ni Ginang Doria. 

Lumang modus?

Ayon naman sa NBI Special Task Force, 1990's pa nagsimula ang modus operandi ng budol-budol na tinatarget talaga ang mga matatanda, OFW, at negosyante.

Bagama't higit sa 20 na ang naaresto at nakasuhan nila, patuloy pa rin sa pamamayagpag ang grupo.

"Kahit milyon ang nakuha, mababa ang piyansa, wala pang P100,000, makakalaya agad. Ang problema itong mga biktima later on nawawalan naman ng interes so hindi kami nagkakaroon ng conviction," paliwanag ni Moises Tamayo, hepe ng NBI Special Task Force. 

May lead na ang NBI sa posibleng grupong nasa likod ng sunod-sunod na insidente ng budol-budol pero tumanggi muna silang pangalanan ito hanggang wala pa ang demanda ng mga biktima.

Paalala ng NBI, huwag masisilaw at basta kakagat sa alok na malaking kita.

--Ulat ni Dominic Almelor, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.