May-ari ng punerarya sa Agusan del Sur, patay sa pamamaril

Rodge Cultura, ABS-CBN News

Posted at Nov 10 2017 04:54 AM

Patay ang may-ari ng isang punerarya sa Agusan del Sur matapos pagbabarilin ng hindi pa kilalang mga salarin ngayong Huwebes.

Kinilala ang biktima bilang si Yolanda Chatto, may-ari ng Chatto Funeral Homes.

Ayon sa trabahante na si Roro, hindi tunay na pangalan, lumapit ang isang lalaki na nagpakilalang kustomer at nagpanggap na may ipapaembalsamo. 

Hinanap si Chatto na siya umanong gustong makausap. Nang bumaba mula sa ikalawang palapag at hinarap ang lalaki, lumapit ang isa pang lalaki na siyang bumaril sa biktima.

Nagtakbuhan ang tatlong empleyado ng punerarya dahil sa takot. Nakita umano ni Roro at dalawa pang kasamahan ang malagim na insidente.

Napaluha naman ang 10-anyos na anak ni Chatto habang pinagmamasdan ang wala ng buhay na ina ilang metro lang ang layo sa naka-display na kabaong ng punerarya. Plano pa umano sana nilang mag-celebrate dahil birthday niya sa Biyernes.

Bagong hiwalay sa asawa ang biktima. Ayon kay Roro, malalim ang dahilan ng away ng mag-asawa dahil sa negosyo.

Kaya kasama ito sa mga anggulong tinitingnan ng awtoridad bilang posibleng motibo ng pagpatay sa biktima.

Isang basyo ng bala mula sa kalibre-.45 na baril ang narekober sa crime scene.

Agad namang tumakas ang dalawang salarin matapos ang pamamaril.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.