Lalaking pinaputukan ang mga pulis sa checkpoint sa South Cotobato, patay

Francis Canlas, ABS-CBN News

Posted at Nov 10 2017 04:58 AM

Patay ang hindi pa nakikilalang lalaking nagpaputok ng baril sa mga pulis sa isang checkpoint sa South Cotabato, Miyerkoles. Retrato mula sa Polomolok Police

Patay ang isang lalaki matapos paputukan ng baril ang mga pulis na nakabantay sa checkpoint sa Barangay Lumakil, bayan ng Polomolok, South Cotabato Miyerkoles.

Ayon kay Police Sr. Insp. Romeo Albano, deputy chief ng Polomolok Police, nagsagawa sila ng surprise checkpoint dahil sa impormasyong may armadong nakasakay sa motorsiklo na dadaan sa kalsada.

Pasado alas-otso ng gabi, tatlong lalaking sakay ng isang motorsiklo ang huminto bago makarating sa checkpoint. 

Isang angkas nito ang bumaba. Nang umalis ang dalawa niyang kasamahan, agad umano niyang pinaputukan ng isang beses ang mga pulis na nagbabantay sa checkpoint. 

Gumanti ng putok ang pulisya at tinamaan sa dibdib ang lalaki.

Isinugod sa ospital ang lalaki pero hindi na siya umabot ng buhay. Doon naman nadiskubre sa bitbit niyang sling bag ang dalawang sachet ng hinihinalang shabu.

Narekober din ng mga pulis sa lugar ng insidente ang ginamit niyang caliber-.357 revolver na may isang basiyo, at apat na bala pa.

Ayon kay barangay chairman Ederico Cuenca Jr., dayo sa kanilang lugar ang lalaki at walang nakakikilala sa kanya.

Wala namang nasugatang pulis o naitalang tinamaan ng ligaw na bala.

Dinala na sa isang punerarya ang labi ng lalaki na nakasuot ng camouflage shorts, pink sweatshirt, itim na t-shirt, pulang ball cap at may dalang itim na sling bag.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.