Duterte, may kondisyon bago lumahok sa isang human rights summit

ABS-CBN News

Posted at Nov 10 2017 09:10 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang nagsusulong ng pagsasagawa ng isang human rights summit kasunod ng kaliwa't kanang batikos dahil sa laganap umanong extrajudicial killings sa bansa. 

Habang nasa APEC Summit sa Vietnam, sinabi ni Duterte na maaaring mag-host ang Pilipinas ng nasabing summit, sa kondisyong kasama rin dito ang mga bansang lumalabag sa karapatang pantao. 

Dalawang mambabatas sa Amerika kasi ang sumulat kay US President Donald Trump at nakiusap na talakayin kay Duterte ang isyu ng extrajudicial killings bunsod ng kampanya nito laban sa ilegal na droga.

Pero babala ni Duterte, sosoplahin niya si Trump kapag inungkat nito ang isyu ng human rights habang nasa APEC o ASEAN Summit dahil dapat daw ay sa hiwalay na pagtitipon ito talakayin. 

Samantala, nagkaroon naman ng bilateral meeting si Duterte at Russian President Vladimir Putin.

Bukod sa target na transaksiyon, natalakay din ang pagbibigay ng Russia ng mga armas sa sundalong sumabak noon sa Marawi siege. 

Made-delay naman ng dalawang oras ang uwi ng Pangulo sa Pilipinas sa Sabado dahil may pulong pa ito sa China.

Bilang ASEAN chairman kasi, gusto ni Duterte na gumawa na ng Code of Conduct o patakaran sa pinag-aagawang teritoryo sa South China Sea.

--Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.