1 patay sa away ng customs police at broker

Cris Angelo Andrade, ABS-CBN News

Posted at Nov 10 2017 02:07 PM

CAGAYAN DE ORO CITY – Patay ang isang customs police officer matapos umanong makipagbarilan sa isang broker, Huwebes ng gabi sa Barangay Macasandig dito.

Natagpuang patay sa tabi ng kaniyang sasakyan si Roy Ancajas na nagtamo umano ng tatlong tama ng bala sa katawan.

"According sa security guard na nakakita, may narinig silang malakas na bundol ng sasakyan tapos tiningnan nila, may isang lalaki lumapit sa biktima, pinaputukan siya dalawang beses," sabi ni Chief Inspector Ariel Pontillas ng Cagayan de Oro City Police Office (COCPO).

Bukod sa kotse ni Ancajas na may sira sa likurang bahagi, walong basyo ng .45 kalibre na baril ang natagpuan rin sa lugar na pinangyarihan ng krimen.

Narekober naman sa follow-up operation ng awtoridad ang kotse ni customs broker Joed Pasasadaba sa JR Borja General Hospital kung saan siya dinala matapos magtamo ng limang tama ng bala sa katawan. 

May naman tama ng bala sa harapan ng kotse ni Pasasadaba. Agad siyang inilipat sa Northern Mindanao Medical Center para maoperahan.

Ayon sa pulisya, klarong may kinalaman si Pasasadaba sa pagkamatay ni Ancajas.

Naaresto rin ng awtoridad ang nagsilbing driver ni Pasasadaba na si Segfried Roxas. Sa tulong niya, narekober ng awtoridad ang dalawang .45 kalibre na baril na may mga bala sa madamong bahagi ng crime scene.

"Hindi pa natin malaman kung kanino 'to kasi puro may tama 'yung isa, patay 'yung isa may tama din. Maaari itong isa galing sa isang suspetsado, or puwedeng ang dalawang baril galing sa kaniya," ayon kay Senior Inspector Abdul Alim Sumandar. 

Kapwa sasampahan ng kasong pagpatay sina Roxas at Pasasadaba.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.