Trump, di pa dumarating pero sinasalubong na ng protesta

ABS-CBN News

Posted at Nov 09 2017 04:32 PM

Nagpatikim na ng kilos-protesta ang ilang tutol sa pagbisita ni US President Donald Trump sa bansa para sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit.

Nag-rally nitong Huwebes ang grupong Gabriela sa lungsod ng Maynila. 

Bitbit ang placards, balak sana ng mga demonstrador na sumugod sa harap ng US Embassy subalit hinarang sila ng mga pulis sa may Kalaw Avenue.

Giit ng mga demonstrador, hindi dapat pumayag ang ating gobyerno na maging sunod-sunuran ng Amerika.

Nanawagan silang ibasura ang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) at Visiting Forces Agreement, mga kasunduang pangmilitar sa pagitan ng bansa at ng Amerika.

Ayon kay Joms Salvador, secretary general ng Gabriela, tila nakalimutan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pangako niyang independent foreign policy. 

Aniya, mas pinapaboran umano ng Pangulo ang Amerika at Tsina.

Dahil sa protesta, nakaranas ng mabigat na daloy ng trapiko ang mga motorista sa Kalaw.

Sa Makati naman nangalampag ang ilang miyembro ng grupong Bayan Muna.

Sumugod sila sa tapat ng Trump Tower para kondenahin ang napipintong pag-uusap nina Duterte at Trump sa ASEAN Summit.

Kapwa dadalo ang dalawang lider sa APEC Summit na idinaraos ngayon sa Vietnam.

Pero sa Maynila na magpupulong ang dalawang pinuno kasabay ng ASEAN Summit sa susunod na linggo.

-- Ulat ni Raya Capulong, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.