Truck lumiyab sa STAR Tollway

Albert Lumbera, ABS-CBN News

Posted at Nov 09 2017 09:19 PM

Nasunog ang isang truck matapos sumabog ang gulong nito sa bandang Malvar Exit sa STAR Tollway nitong Huwebes.

Lumiyab ang isang truck matapos sumabog ang gulong nito sa STAR Tollway nitong Huwebes.

Ayon kay Edilberto Reduta, driver ng truck, mula pa silang Mabini, Batangas at patungong Bulacan para ihatid ang panghalo ng semento na lulan ng truck nang pumutok ang gulong ng truck sa bandang Malvar Exit.

Aniya, unang beses daw nangyari sa kanya ito sa 20 taong pagmamaneho.

“Kako’y wala na si preno, nanikip na pero may hangin naman yung aking tractor head, ginawa ko ipaparada ko palang dito dyan palang pagtabi naming sa lay-by, sumabog yung isa,” ani Reduta.

Iginiit ng drayber na bago sila umalis ay nasa tamang kondisyon pa ang truck. Tinanggi niya ring mabilis ang kanyang pagpapatakbo at hindi rin daw siya inaantok habang nagmamaneho.

“May dala kaming fire extinguisher, maliit lang po eh, hindi kaya,” aniya.

Ayon naman sa pulisya, pagsabog ng gulong ang kanilang nakikitang sanhi ng pagkasunog ng truck.

“Nung siya ay nagdadrive sa STAR Tollway papuntang Tanauan ay may narinig siyang sumabog. Nung narinig niya ay nagdahan dahan siya hanggang makarating sa lay-by,” ani Police Sr. Insp. Arwin Caimbon, hepe ng Malvar Police.

Walang naiulat na nasaktan sa insidente. Pinag-aaralan pa ng pulisya kung ano ang pananagutan ng driver ng truck.

Inabisuhan naman ng pulisya ang mga motorista na ugaliing i-check ang kanilang mga sasakyan kung ito’y nasa tamang kondisyon para makaiwas sa mga sakuna sa kalsada.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.