'Salute to mother nature': Lalaki, tumugtog sa tuktok ng Mt. Apo

ABS-CBN News

Posted at Nov 09 2017 01:14 PM

Kung karaniwa'y pagkuha ng retrato ang inaatupag ng mga nakaakyat sa tuktok ng mga bundok, pagbibigay pugay sa kalikasan naman ang handog ni Jonallier Perez nang maabot nito ang pinakataas na punto ng Mount Apo.

Musika ang alay ni Perez sa pamamagitan ng pagtugtog ng violin matpaos abutin ang rurok ng Mount Apo noong Oktubre 28.

"For me, it's giving song of praise and worship, a salute to mother nature. My salute to its enduring will to heal itself," paliwanag ni Perez.

Marso 2016 nang mabalot ng apoy ang isang bahagi ng bundok.

Nagdulot ito ng matinding pinsala sa taglay na natatanging likas na yaman ng bundok gaya ng mga halaman, puno at hayop.

Nakaapekto rin ito sa hanapbuhay ng ilang naninirahan sa paligid ng bundok.

Sa kabila nito, patuloy ang "natural regeneration" o muling pagtubo ng mga puno't halaman sa nasunugang bahagi.

Dagdag ni Perez, humingi siya ng permiso sa mga "espiritong" bantay ng bundok para maghandog ng musika.

Mahigit 300 na ang nakaaakyat sa Mount Apo matapos itong buksan muli sa publiko noong Mayo.

Naninirahan din sa paligid ng bundok ang ilang katutubong pangkat, gaya ng mga Bagobo at Manobo.

-- Ulat ni Berchan Louie Angchay, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.