Revolutionary government, malabong mangyari: eksperto

ABS-CBN News

Posted at Nov 09 2017 07:48 PM | Updated as of Nov 10 2017 11:43 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Naniniwala ang isang political analyst na malabong matuloy ang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte kamakailan tungkol sa pagbabago ng umiiral na sistema ng pamahalaan.

Sinabi ng Pangulo noong Oktubre 13 na hindi siya magdadalawang-isip na magtakda ng revolutionary government kung magkakagulo sa bansa. 

Ito'y sa gitna ng sinasabi niyang banta ng destabilisasyon sa gobyerno mula sa mga kalaban niya sa politika, mga komunista, Central Intelligence Agency (CIA) ng Amerika, at ng ilang kilalang negosyante.

Pero ayon sa History professor na si Xiao Chua, sa kasaysayan ng bansa ay hindi ginagamit na solusyon ang revolutionary government sa namumuong gulo kundi pantapal lang dahil sa nangyaring rebolusyon.

"Halimbawa, 'yung ginawa ni Andres Bonifacio noong 1896 at saka ni Emilio Aguinaldo laban sa Español o eventually laban sa Amerikano, revolutionary government 'yon. Kapag nagtatatag ka ng gobyerno sa panahon ng digmaan o rebolusyon, kailangan may mga desisyon ka na hindi na kailangang dumaan sa proseso," paliwanag ni Chua. 

"'Yung revolutionary government, ii-invoke mo lang 'yan in extreme cases ng kaguluhan."

Muling naungkat ang isyu ng revolutionary government sa security briefing ng militar kay Vice President Leni Robredo nitong Miyerkoles, Nobyembre 8.

Ayon naman kay University of the Philippines professor Ranjit Rye, mas mainam pang hindi na pinag-usapan ang isyu na iyon dahil nadadamay lamang ang militar sa politika. 

"Malabo hong mangyari talaga 'yon kasi wala namang rebolusyon na nangyayari at wala hong konteksto para pag-usapan 'yung gano'ng klaseng pananaw at saka porma ng gobyerno," ani Rye.

"Pangalawa, wala rin hong grave threat sa current government," dagdag pa ni Rye.

Naniniwala si Rye na kung lalong pag-uusapan ng lipunan ang revolutionary government, wala itong mabuting idudulot at iisipin lang ng mga dayuhan na magulo ang Pilipinas.

-- Ulat ni Jorge Cariño, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.