Pinay nars sa US, sinaktan matapos insultuhin sa pagiging banyaga

ABS-CBN News

Posted at Nov 09 2017 07:40 PM

Nagtamo ng pasa sa mukha ang isang Pinay nars sa Amerika matapos saktan at libakin umano ng isang hindi pa nakikilalang babae.

Nangyari ang insidente sa parking lot ng Eagle Rock Plaza sa Los Angeles, California, bandang alas-2 ng hapon noong Martes (oras at araw sa Amerika, alas-6 ng Miyerkoles ng umaga sa Pilipinas).

Kuwento ng biktimang si Quiggle Ignacio, nanananghalian siya sa loob ng kaniyang kotse sa parking lot nang banggain ang kaniyang kotse ng isang babaeng may tulak-tulak na shopping cart.

Sinundan umano ito ng sunod-sunod na mura at insulto tungkol sa kaniyang lahi.

Napagkamalan pang Chinese ang biktima at sinabihan umano na bumalik na sa Tsina.

Watch more in iWantv or TFC.tv
Video mula sa Facebook account ni Quiggle Ignacio

Nakuhanan ni Ignacio ng video ang pagtatalo bago siya tuluyang sinugod ng babae.

Sa puntong naputol ang video, sinapak na umano si Ignacio ng babae.

Ibinahagi ni Ignacio sa Facebook ang video at mga retrato ng natamong pasa sa mukha. Mayroon na itong 4,000 reactions at mahigit 5,000 shares.

Umaasa si Ignacio na matutukoy ang babaeng umatake sa kaniya at mabibigyang hustisya ang aniya'y diskriminasyon at pag-aglahing dinanas.

Ayon kay Ignacio, na-trauma siya dahil sa insidente.

Dumulog na rin sa pulisya si Ignacio.

-- Isinalin mula sa ulat ni Steve Angeles, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.