P300-M halaga ng mga pekeng sigarilyo, sabon, nasabat ng Customs

ABS-CBN News

Posted at Nov 09 2017 04:28 PM | Updated as of Nov 09 2017 08:59 PM

MANILA- Tinatayang nasa P300 milyon ang halaga ng mga nasabat na smuggled na pekeng sigarilyo, sabon, at pampalasa ng Bureau of Customs nitong Huwebes.

Narekober ng mga operatiba ng Customs ang nasabing mga produkto sa isinagawang raid sa 3 magkakahiwalay na warehouse na pagmamay-ari umano ng isang Erlinda Chua na arestado din.

Sa ikinasang raid, sako-sakong mga smuggled na sigarilyo, pampalasa, at sabon ang nasabat sa mga warehouse sa Barangay Masambong at Kanlaon sa lungsod ng Quezon, at sa Blumentritt sa Maynila.

Tatlong buwan umanong minanmanan ng mga operatiba ng Customs ang magkakahiwalay na warehouse bago ang raid.

Magkakapareho umano ang barcode at tax stamp ng mga sigarilyo at sabon. Matapang din umano ang amoy ng mga pekeng sabon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.