Mobile app laban sa mga abusadong tricycle driver sa Cagayan, inilunsad

Harris Julio, ABS-CBN News

Posted at Nov 09 2017 09:37 PM

Ang mobile app na Tryke Patrol ay maaaring gamitin ng commuters para maghain ng reklamo laban sa mga abusadong tricycle driver. Harris Julio, ABS-CBN News

Hi-tech na ngayon ang paraan ng paghahain ng reklamo laban sa mga abusadong tricycle driver sa Tuguegarao City.

Bumuo ng isang mobile app ang isang grupo para matulungan ang mga pasahero sa siyudad, kung saan karamihan ay nakaranas na umano ng pag-abuso ng mga tricycle driver. 

Sa resulta ng survey ng grupong Hack The North, mahigit 80 porsiyento ng mga tricycle commuter ang nagsabing sila ay nakaranas na ng pag-abuso.

Karaniwan na dito ang overpricing o sobra umanong paniningil ng pamasahe.

Dahil dito, binuo ng Hack the North ang mobile application na tinawag nilang Tryke Patrol.

May mga feature ito na magagamit ng commuter sa pagre-report laban sa mga tricycle driver.

“Pagsakay mo pa lang, gagamitin mo na si app, ilalagay mo 'yung pangalan ng driver at plate number ng tricycle na sasakyan mo. 'Pag nakarating ka na sa pupuntahan mo, ilalagay mo dun, "arrived safely." Pero kung may nangyari, puwede mo rin ilagay,” paliwanag ni Mars Cacaho, Chief Executive Officer ng Hack the North.

Ayon pa kay Cacacho, mapupunta ang reklamo sa isang website para sa kanilang monitoring na isusumite rin nila sa lokal na pamahalaan para matugunan.

Meron ding feature ang Tryke Patrol na nagdedetalye ng eksaktong lokasyon ng commuter. Kaya pangontra rin daw ito sa mga nagbabalak ng masama.

“There is this feature na distress call wherein kapag pipindutin mo ito, magpa-panic button siya, ite-text 'yung mga mahal mo sa buhay na something happened along the way. So geolocation, nakikita through tagging sa map kung saan nangyari 'yung distress call,” ayon kay Cacacho.

Pero paglilinaw niya, hindi anti-tricycle driver ang mobile app. Makikinabang din dito ang mga tsuper kapag natapos na ang isa pang feature na ginagamit rin ng mga transport service
tulad ng mga taxi sa Maynila.

“We have a feature na parang Grab Tricy. So para siyang Grab Taxi sa Maynila na magte-text ka, magbu-book ka ng tricycle, susunduin ka, dadalhin ka sa ganitong lugar, and you pay a fixed price. So dito ngayon, hindi labag sa loob ng mga commuter na magbayad ng special (fare), double pay o capacity,” giit ni Cacacho.

Plano rin ng grupo na bigyang pagkilala ang mga tapat at maayos na mga tricycle driver.

“Kasi kapag dumating ka sa pupuntahan mo, ire-rate mo 'yung driver from 1 to 5 stars. At the end of every month, the top 20 tricycle drivers who have the highest customer satisfaction will have a Tryke Patrol flag. Kapag makikita 'yun ng commuter, definitely 'yun ang paparahin mo kasi alam mo that they are exhibiting good behavior,” paliwanag ni Cacacho.

Ang Tryke Patrol ay nakalagay na sa mga mobile app store at mada-download ito ng libre.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.