Mga P2P bus, bigong maabot ang target travel time kahit may 'escort'

ABS-CBN News

Posted at Nov 09 2017 11:33 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Sinubukan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na isalang nitong Huwebes ang point-to-point (P2P) buses na magsisilbi sanang alternatibo sa mga pasahero ng MRT-3 tuwing rush hour.

Nagsimulang magpasakay ang MMDA ng mga pasahero sa mga bus sa North Avenue Station, 6:30 ng umaga.

Pero kahit libre ang sakay sa mga bus, mas pinili pa rin ng mga pasahero ang MRT.

"Okay lang na pumila nang mas mahaba kaysa sumakay ng bus, kaysa ma-traffic," katuwiran ng pasaherong si Jessa Dumagdag.

Bandang alas-7 ng umaga, umabot na ang pila ng MRT sa kalsada.

Kaya ang mga nasa dulo ng pila'y sumugal at sumakay na sa isang bus, na biyaheng Ortigas at Ayala lang.

Tayuan at siksikan sa bus na umalis ng North Avenue.

Inabot ang bus ng halos isang oras papuntang Ortigas lamang matapos maipit sa trapiko sa may Kamuning at Cubao. 

Ito'y sa kabila ng mga tauhan ng Land Transportation Office at Highway Patrol Group na itinalaga para gabayan ang mga bus at mapabilis ang biyahe ng mga ito.

Bigo rin ang mga bus na maabot ang target nitong 30 minutong travel time mula North Avenue hanggang Ayala Avenue. Inabot ang biyahe ng isang bus ng isang oras at 15 minuto.

May ilang pasaherong sumubok ng bus ang nagsabing babalik na lang sila sa MRT.

Watch more in iWantv or TFC.tv

'Naging effective'

Para naman sa MMDA, otso ang ibibigay nilang grado sa dry run na isinagawa noong umaga.

"'Yong libreng sakay natin, may sumakay, so ibig sabihin naging effective siya," pahayag ni Jojo Garcia, assistant general manager ng MMDA.

"May nagalit 'ata, bakit wala daw bus so it means kailangan nila," ani Garcia. "'Pag maganda ang demand, effective. 'Pag nilangaw, walang kwenta."

Nagdaos din ng dry run ang mga bus mula Ayala deretso hanggang North Avenue, na nagsimula saktong alas-5 ng hapon.

Alas-8 ng gabi ang huling biyahe papuntang North Avenue.

Sa Biyernes, Nobyembre 10, nakatakda ang tuluyang pagpapatupad ng mga point-to-point bus na babaybay sa kahabaan ng EDSA mula North Avenue hanggang Ayala at Taft Avenue.

Sisimulan rin ang paghuli sa mga pribadong sasakyan na dadaan sa yellow lane na itinalaga para sa mga bus.

Ipapares ang pasahe ng point-to-point bus sa halaga ng pasahe sa MRT.

-- Ulat nina Vivienne Gulla, at Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.