LPA nagbabadyang maging bagyo: PAGASA

ABS-CBN News

Posted at Nov 09 2017 09:38 AM

MANILA - Magpapaulan sa malaking bahagi ng bansa ang isang low pressure area na posibleng maging bagyo ngayong Huwebes, inanunsyo ng state weather bureau PAGASA.

Ayon kay PAGASA meteorologist Nicos Peñaranda, huling namataan ang LPA bandang 85 kilometro silangan ng Catarman, Northern Samar, alas-3 ng umaga. Inaasahang babaybayin ng sama ng panahon ang Bicol at Mimaropa region.

Nagsimula nang makaranas ng bugso ng malakas na ulan ang Bicol region at Samar provinces, sabi ni Peñaranda.

Uulanin din aniya ang natitirang bahagi ng Visayas, Metro Manila, Calabarzon, Mimaropa at lalawigan ng Aurora mula Huwebes ng hapon hanggang Biyernes ng umaga.

"Anuman pong oras ay puwede itong (LPA) maging tropical depression o bagyo kaya naman posibleng magtaas tayong tropical cyclone warning signals d'yan po sa mga dadaanang areas," ani Peñaranda.

Sinuspinde na ng lokal na pamahalaan ang klase sa ilang apektadong lugar.

Para sa iba pang ulat-panahon, bisitahin ang ABS-CBN Weather Center.

Umagang Kay Ganda, 9 Nobyembre 2017

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.