Lalaki arestado sa pagnanakaw ng motorsiklo sa Cebu

Edgar Escalante, ABS-CBN News

Posted at Nov 09 2017 09:41 PM

Nalaman na lang ng biktima sa social media na ibinebenta na ng suspek ang kaniyang motorsiklo. Edgar Escalante, ABS-CBN News

Timbog ang isang lalaking nangikil at nagnakaw ng motorsiklo sa Cebu City nitong Huwebes ng hapon.

Nagpakilalang empleyado umano ng Land Transportation Office (LTO) ang suspek na si Mike Margallo, na nahuli sa isang entrapment operation ng pulisya.

Agad siyang dinampot matapos niyang tanggapin ang bayad mula sa pinagbebentahan niya ng nakaw na motorsiklo na si Jay-ar Jimenez.

Ayon sa may-ari ng motorsiklo na si Jose Ritchie Labores, noong Agosto 5, lumapit sa kaniya ang suspek at nagpakilalang empleyado ng LTO. 

Inalok siya nito na tutulungan sa kaniyang pagre-renew ng driver's license. Hiningan siya ni Margallo ng P1,000 na bayad at hiniram pa ang motorsiklo niya.

Pero hindi na isinauli ni Margallo ang motorsiklo. Nalaman na lang ni Labores na ibinebenta na ng suspek ang motorsiklo sa social media.

Nang malaman ni Jimenez na nakaw pala ang motorsiklo, agad niya itong isinumbong sa mga awtoridad.

Itinanggi naman ni Margallo na ninakaw niya ang motorsiklo sa kabila ng positibong pagkilala sa kaniya ng biktima. Ayon sa suspek, inutusan lamang siya ng kaniyang kaibigan na ibenta ang motorsiklo. 

Nakahanda nang isampa ang kasong car theft laban kay Margallo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.