Empleyado, dawit sa pagkamatay ng among tadtad ng saksak

ABS-CBN News

Posted at Nov 09 2017 09:56 AM | Updated as of Nov 09 2017 10:16 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Patay ang isang babaeng negosyante matapos tadtarin ng saksak sa loob mismo ng kaniyang bahay sa Parañaque. Pinagsususpetsahan ang isang empleyado nito. 

Kinilala ang biktima bilang si Menchie Modesto, na natagpuang duguan at wala nang buhay sa kaniyang bahay sa BF Homes, Parañaque.

Batay sa paunang imbestigasyon, 15 saksak sa leeg, mukha at katawan ang ikinamatay ng biktima.

Kuwento ng mga kaanak, una na silang nagtaka dahil halos kalahating araw nang hindi lumalabas ng kuwarto si Modesto.

Sa kuha ng CCTV ng bahay, bandang alas-7 ng umaga noong Miyerkoles, makikita ang suspek na si Edwin Casas na natutulog sa kusina ng biktima. 

Empleyado si Casas ni Modesto.

Maya-maya'y kumuha si Casas ng kutsilyo. Pero nang makitang may pababa mula sa hagdanan ng bahay, nagpanggap siya na tulog at hinintay itong makaalis.

Matapos ito'y dahan-dahan pumasok sa kuwarto ng biktima si Casas.

Kita pa sa CCTV na pinalalabas ni Modesto si Casas mula sa kaniyang kuwarto.

Wala pang 15 minutos ang lumipas, lumabas ng kuwarto si Casas.

Bumaba ito't uminom ng tubig bago tuluyang umalis ng bahay.

Ayon sa mga pulis, walang nawalang pera at gamit sa biktima.

Sabi ng ibang empleyado ni Modesto, posibleng selos ang motibo ni Casas, lalo na't may relasyon umano ang dalawa.

"Silang dalawa ng taong 'yon, umaalis sila nang walang paalam sa'min...wala na kasing ibang suspek kundi si Edwin Casas, siya lang ang bukod tanging nakakapasok sa kuwarto na 'yon eh," ani Argel Villegas, pamangkin at empleyado ng biktima.

Patuloy namang tinutugis ng pulisya ang suspek.

-- Ulat ni Lyza Aquino, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.