Babaeng nagpapanggap na taga-towing para makapangikil arestado

Ernie Manio,ABS-CBN News

Posted at Nov 09 2017 11:01 AM

MAYNILA - Kulong ang isang babaeng nagpapanggap umanong tauhan ng towing services para makapangikil sa mga drayber

Kinilala ang suspek na si Angela Faith Rivera, na nahaharap ngayon sa patong-patong na kasong extortion, unjust vexation at grave coercion.

Ayon sa pulisya, naaresto si Rivera, Miyerkoles ng hapon, matapos ireklamo ng nabiktima umano niyang jeepney driver sa San Juan City kung saan ito madalas gumagalaw.

Nang malaman ang pagkakaaresto kay Rivera, agad dumulog sa pulisya ang isa pa nitong biktima na si Rafael Gandionco para magsampa ng reklamo.

Kuwento ni Gandionco, motorsiklo niya ang tinow ni Rivera. Nagbayad umano siya ng P1,500 sa pag-aakalang lehitimo ang towing dahil nakapuwesto ito sa likod ng police station at gilid ng city hall.

"Nagpunta ako sa computer shop para magpadala ng pera sa anak ko halagang P300. Di pa ako nagtatagal sa loob, siguro wala pang 5 minutes, paglabas ko wala na motor ko, na-towing na pala," aniya

Sinubok umano nilang makipagtawaran dahil wala siyang dalang pera noon pero tinatakot pa sila ng suspek. Nang makapagbayad at nakuha ang motor, wala umanong ibinigay na resibo ang suspek.

Samantala, hinahanap na ngayon ng pulisya ang dalawang kasabwat na ikinanta ni Rivera nang siya ay maaresto.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.