ALAMIN: Alternatibong ruta sa Roxas Boulevard 'lockdown'

ABS-CBN News

Posted at Nov 09 2017 04:44 PM

Nagpaalala ang Manila Police District (MPD) tungkol sa pagpapasara ng Roxas Boulevard upang bigyang daan ang mga convoy ng mga delegadong dadalo sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit.

Mula alas-12:01 ng madaling araw hanggang alas-12 ng tanghali ng Nobyembre 13, Lunes, total lockdown na ang gagawin sa Roxas Boulevard mula Padre Burgos hanggang Buendia Avenue sa Maynila.

Nagbigay rin ang Manila District Traffic Enforcement Unit ng MPD ng listahan ng mga alternatibong rutang maaaring daanan ng mga motoristang dapat sana'y tatahak sa kahabaan ng Roxas Boulevard.

Sa mga sasakyang dadaan sa southbound lane na magmumula ng Bonifacio Drive, maaaring kumaliwa sa Padre Burgos Avenue hanggang sa lugar na patutunguhan.

Sa Taft Avenue naman pinadadaan ang mga southbound na motoristang manggagaling sa mga tulay ng Jones, McArthur, at Quezon.

Pinayuhan ang mga motoristang dadaan sa westbound lane ng P. Burgos na kumanan sa Bonifacio Drive o mag-U-turn sa eastbound lane ng P. Burgos hanggang sa lugar na patutunguhan. 

Lahat ng mga sasakyang dadaan sa westbound lane ng T.M. Kalaw Avenue patungong Roxas Boulevard ay inaabisuhang kumaliwa sa M.H. del Pilar Street.

Ang mga sasakyang dadaan sa westbound lane ng U.N. Avenue patungong Roxas Boulevard ay pinayuhang kumaliwa sa M.H. del Pilar Street o gamitin ang Roxas Boulevard service road.

Maaaring kumaliwa naman sa Adriatico Street ang mga motoristang bibiyahe sa Quirino Avenue patungong Roxas Boulevard.

Pinakakaliwa rin sa F.B. Harrison Avenue ang mga motoristang dadaan ng westbound lane ng P. Ocampo Street patungong Roxas Boulevard.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.