Abogada, arestado sa 'tangkang panunuhol' sa opisyal ng NBI

ABS-CBN News

Posted at Nov 09 2017 10:47 PM | Updated as of Nov 10 2017 01:29 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Arestado ang isang abogada matapos umanong tangkaing suhulan ang hepe ng National Bureau of Investigation (NBI) Special Task Force sa loob mismo ng kaniyang opisina. 

Nagsagawa ng entrapment operation ang NBI Special Task Force sa kanilang opisina kung saan nahuli sa akto ang abogadang si Exel Antolin na nag-abot ng sobreng may lamang P200,000.

Ito umano ay suhol niya sa ahensiya para hindi ituloy ang pagsampa ng kaso sa kaniyang kaanak. 
    
Inaresto kasi ng NBI nitong Miyerkoles ang kaanak ni Antolin na si Norberto Landicho dahil sa pagkukunwaring doktor sa isang clinic, eskuwelahan, at ospital sa Quezon City. 

Ayon kay Atty. Moises Tamayo, hepe ng NBI Special Task Force, nagpagamot kay Landicho ang isang ahente nila at pumirma ang pekeng doktor sa reseta bagaman wala itong lisensiya.

Para sa NBI, isa itong babala sa lahat ng mga nag-aakala na nabibili at naaareglo ang mga kaso sa kanilang ahensya.

Tumangging magbigay ng panayam si Antolin at Landicho, na kinasuhan ng illegal practice of medicine.

Kakasuhan din si Antolin ng corruption of a public official kung saan posible siyang makulong nang mula anim hanggang 12 taon. 

Balak din siyang ipa-disbar ng NBI. 

-- Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.