3 OFW na uuwing probinsya, ninakawan ng taong nakilala nila sa airport

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Nov 09 2017 06:09 AM | Updated as of Nov 10 2017 12:46 AM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Mahigit P80,000 na ipong pera, pitong cellphone, at mga pasalubong para sa kanilang pamilya ang tinangay mula sa tatlong domestic helper na dumating ng Pilipinas mula Kuwait nitong Miyerkoles. 

Kuwento ng mga babae, nakipagkilala sa kanila sa NAIA Terminal 2 ang babaeng suspect na isang "Ruth Gabriel" na galing umano ng Cotabato at lilipad ng Kuwait.

Binalak ng tatlong DH na magpalipas na lang ng gabi sa airport bago ang kanilang connecting flight papuntang GenSan kinabukasan, pero kinumbinsi sila ng suspek na tumuloy sa isang hotel sa Pasay.

Nag-check-in ang apat sa iisang kuwarto at nang magkayayaan na kumain sa mall, sinabi sa kanila ng suspek na magwi-withdraw ito ng pera. 

Pero nang hindi siya bumalik pagkatapos ng 30 minuto, doon na naghinala ang tatlo. Bumalik sila sa hotel at nakita nilang ninakaw na ang pera, cellphone, at mga pasalubong. Tinangay pa ang dalawang handbag.

Nakita sa CCTV ng hotel na nagpatulong pa ang suspek sa staff ng hotel na ibaba ang mga tinangay na gamit at isakay sa taxi.

Wala namang magawa ang mga OFW kundi ituloy ang kanilang paglipad pauwi ng probinsya kahit walang dala-dala.

Tinitingnan ngayon ng Pasay police sa kanilang imbestigasyon kung umatake na dati ang naturang suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.