2 pulis-QC na 'nanipol' sa babae, sinibak

ABS-CBN News

Posted at Nov 09 2017 09:17 PM | Updated as of Nov 09 2017 11:10 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Tinanggal na sa puwesto ang dalawang pulis sa Quezon City na itinuturong nambastos umano sa pamamagitan ng paninipol sa isang babae sa may Katipunan Avenue.

Nitong Huwebes, idinulog sa tanggapan ng Quezon City Police District (QCPD) ang reklamo ng 21 anyos na biktimang si "Carmela."

Kinilala ang mga inireklamo bilang sina Police Officer 1 Domingo Cena at Police Officer 2 Ric Tanguilan.

Positibong namukhaan at itinuro ni Carmela si Cena nang pakitaan ng mga retrato.

Si Cena umano ang tumingin sa biktima nang may malisya.

Gabi ng Nobyembre 2 nang bastusin umano si Carmela ng mga pulis na nakasakay sa isang police mobile.

Ayon sa Quezon City Police District (QCPD), natukoy ang nasabing police mobile sa tulong ng GPS at mga kuha ng CCTV sa lugar na itinuro ng biktima.

Kasong paglabag sa anti-catcalling ordinance ng Quezon City ang isasampa sa dalawang pulis ng QCPD Station 8.

Mariin namang itinanggi nina Cena at Tanguilan ang mga paratang.

Iniimbestigahan din si Senior Police Officer 1 Ariel Camiling na inilihis umano ang imbestigasyon sa isyu.

Ayon kay Carmela, hanggang ngayo'y nakararamdam pa rin siya ng matinding trauma at takot.

-- Ulat nina Doland Castro at Oman Bañez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.