Magpinsan, arestado sa pagkuha ng susi ng police car

Grace Alba, ABS-CBN News

Posted at Nov 10 2016 02:52 AM

VINTAR, Ilocos Norte – Sasampahan ng kaso ang dalawang lalaki matapos nilang umanong itakbo ang susi ng patrol car ng mga pulis sa Vintar, Ilocos Norte.

Kwento ng hepe ng Philippine National Police (PNP) sa Vintar na si Senior Insp. Oliver Baniqued, ninakaw ng magpinsang sina Jonathan Pailma at Vincent Agbayani ang susi ng sasakyan nina PO1 Daryl Calzada at PO1 Arden Oalog, matapos rumesponde ng mga pulis sa ulat ng gulo sa isang burol sa Barangay 1.

Sinubukang kausapin ng mga pulis ang dalawang suspek bago ng mga ito itakbo ang susi ng sasakyan.

“Nakita nitong si PO1 Oalog na binuksan nitong si Jonathan ‘yung left front door driver side, kinuha ‘yung susi, ipinasa kay Vincent, at itinakbo ‘yung susi,” ani Baniqued.

Itinanggi naman ng mga suspek ang alegasyon.

“Walang katotohanan. Madaming tao ang nakakita na hindi ko kinuha ang susi,” ani Pailma.

Sabi ni Pailma, siya raw ang agrabiyado at lasing pa raw si Calzada nang rumesponde, na itinanggi rin ng hepe.

Haharap sa kasong direct assault, theft at obstruction of justice si Pailma, habang si Agbayani ay haharap sa kasong theft at obstruction of justice, at physical injury matapos nito umanong manuntok ng kalaro sa sugal.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.