'Walang puso': Byuda ng Grab driver, hinarap ang pumatay sa asawa

ABS-CBN News

Posted at Nov 08 2017 05:26 PM | Updated as of Nov 08 2017 05:57 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Naghihinagpis ang pamilya ng "Good Samaritan" na si Gerardo Maquidato Jr. nang makita ang suspek na si Narc Tulod Delemios nang magkaharap ang mga ito sa Camp Crame Miyerkoles. 

Ang biyuda ni Maquidato na si Brenda, emosyonal na kinompronta ang suspek at tinawag itong "walang puso." 

"Alam ko hindi nanlaban ang asawa ko. Paano mo nagawa iyon? Alam kong gusto niyang bumalik sa pamilya niya. Alam ko iniisip nya paano siya makawala sa'yo para umuwi sa amin," umiiyak na saad ni Brenda. 

"Sana kinuha mo na lahat. Bakit hindi mo pinagbigyan na mabuhay siya...Napakawalang puso mo," ani Brenda.

Napaslang kamakailan ang Grab driver na sa Maguidato at nahuli nito lamang Martes si Delemios, na umamin sa pagpatay. 

Sa maikling pahayag ng suspek, sinabi nitong lumaban si Maquidato nang holdapin kaya napilitan siyang barilin ito. 

"Hindi ko po alam na siya ay Good Samaritan. Humihingi po ako ng pasensya pero mahirap na po talagang maibalik [ang buhay]. Pera lang po ang gusto kong kuhain sa kaniya pero ininsist po niya, lumaban po siya kaya ko po nagawa yung krimen," paliwanag ni Delemios. 

Ang ina ng biktima, hindi rin mapigilan ang emosyon nang kausapin ang suspek.

"Isang mabuting tao ang winalangya mo. Napakasipag niya, mapagmahal sa pamilya niya...Parang hayop ang ginawa mo sa kaniya. Masahol ka pa. Pagsisisihan mo habang buhay 'yang ginawa mo," ani Maximiana Amolanto, ina ng biktima. 

Naging viral at pinarangalan pa ng Grab Philippines si Maquidato noong 2016 nang hindi nito pagbayarin ang isang may sakit na pasahero. 

Wanted sa murder

Martes nang mahuli sa Delemios sa bisa ng isang arrest warrant kauganay ng pagpatay nito sa isang lalaki noong 2014. 

Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, lumalabas na holdap ang motibo ng suspek subalit nanlaban ang biktima kaya ito nabaril.

Sa pamamagitan ng kaniyang biyanan, nagparamdam ang suspek na susuko na sa mga pulis. 

Sinabing nahuli si Delemios nang ma-trace ang Facebook account ng kaniyang nobya na ginamit sa pag-book ng Grab. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.