Sugatang pawikan, nasagip sa Puerto Princesa

Arlie Cabrestante Ching, ABS-CBN News

Posted at Nov 08 2017 01:10 AM

Isang pawikang may sugat sa palikpik ang nasagip matapos mapadpad sa Barangay San Manuel, Puerto Princesa City Martes ng umaga. 

Ayon sa pamilya Sumandi na nakakita sa pawikan, mahina na ito at hirap nang gumalaw nang madiskubre nila itong nakasabit sa lambat sa kanilang alimanguhan.

Agad na humingi ng tulong ang pamilya sa barangay, bantay-dagat, at Palawan Council for Sustainable Development (PCSD).

Ayon sa PCSD, isang green sea turtle ang pawikan na may bigat na 60 kilos. Posible umanong nanghihina na ang pawikan kaya ito napadpad sa tabing-dagat.

Isang malaking sugat ang nakita sa palikpik ng pawikan at may mahabang tali rin umanong nakapulupot dito.

Maaaring nahuli umano ang pawikan at, dahil sa pagnanais nitong makapiglas, nasugatan ito, ayon sa PCSD.

Agad ding pinakawalan ang pawikan matapos itong malapatan ng pangunang-lunas.

Nagpaalala naman ang mga awtoridad na napapaloob sa Republic Act 9147 na mahigpit na ipinagbabawal ang panghuhuli, pag-aalaga at pagbebenta ng endangered species gaya ng pawikan.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.